Opisina ng Bayan Muna sa Northern Samar pinagbabaril, atake sa mga progresibo tumitindi
Kinondena nina Bayan Muna Reps. Neri Javier Colmenares at Teddy Casiño ang pamamaril ng di-nakilalang armadong kalalakihan sa opisina ng Bayan Muna kagabi, 10:25 PM, sa Sitio Bukhasa, Brgy. Cawayan, Catarman, Northern Samar. “Umiigting na muli ito,” sabi ni Colmenares, hinggil sa dumaraming bilang ng paglabag sa mga karapatang pantao, kabilang ang pamamaslang sa mga […]

Kinondena nina Bayan Muna Reps. Neri Javier Colmenares at Teddy Casiño ang pamamaril ng di-nakilalang armadong kalalakihan sa opisina ng Bayan Muna kagabi, 10:25 PM, sa Sitio Bukhasa, Brgy. Cawayan, Catarman, Northern Samar.
“Umiigting na muli ito,” sabi ni Colmenares, hinggil sa dumaraming bilang ng paglabag sa mga karapatang pantao, kabilang ang pamamaslang sa mga aktibista at sibilyan.
Binatikos ng dalawang progresibong kongresista ang pagpapatuloy ng impunity, o kawalang pananagutan, at pagtarget ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado, laluna militar, sa mga sibilyang aktibista at iba pang lumalaban o bumabatikos sa gobyerno.
“Bigo si Pang. Aquino na wakasan ang mga death squad at imprastraktura ng impunity na matagal nang namamayani sa bansa,” sabi pa ni Colmenares.
Matatandaang dati nang naging target ang Bayan Muna, at iba pang progresibong party-list at grupo, ng pampulitikang panunupil, kabilang ang pamamaslang, pagdukot at panghaharas, noong panahon ni Pangulong Arroyo sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 1 at 2. Sa programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan, nagpatuloy ang pamamaslang, panghaharas at pati pagdukot sa mga sibilyang bumabatikos sa gobyerno.
Pinakahuling halimbawa ng pampulitikang panunupil sa kanilang hanay, ani Colmenares, angextra-judicial killings kina Romualdo Palispis, na isang miyembro ng Bayan Muna, at Wilhelm Geertman, at ang pag-aresto sa Tugegarao City ng tagapag-ugnay ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) na si Agnes Mesina.
“Nakakaalarma rin na nagaganap ito sa loob ng dalawang linggo at mukhang may mga hakbang ngayon para atakihin ang kilusang progresibo laluna’t papalapit na ang eleksiyong 2013,” sabi pa ni Colmenares.
Sinabi ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan na mayroon nang 78 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa bansa sa ilalim ni Pang. Aquino.
Binatikos din ng Karapatan ang patuloy na di-pagpaparusa ng admnistrasyong Aquino sa mga salarin ng paglabag ng karapatang pantao sa mga nakaraan at kasalukuyang programang kontra-insurhensiya. Hindi pa rin nahuhuli ang pinakanotoryus na tagapagpatupad sa militar ng mga panunupil na si Hen. Jovito Palparan.