Panibagong paglabag sa karapatan ng mga bata


Bagong programang kontra-insurhensiya, bagong mga batang nabibiktima ng paglabag sa kanilang mga karapatan. Isiniwalat ng mga grupong pangkarapatang pantao at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata na umiigting ang mga abuso ng mga militar sa mga bata.

Press conference ng Children's Rehabilitation Center at Karapatan. (Kontribusyon)
Press conference ng Children's Rehabilitation Center at Karapatan. (Macky Macaspac)

Kinondena ng Karapatan at Children’s Rehabilitation Center (CRC) ang diumano’y panibagong ilegal na pag-aresto sa tatlong magsasaka kasama ang dalawang menor-de-edad sa probinsiya ng Quezon at pagbabansag sa kanila na mga rebelde.

Binatikos din ng dalawang grupong pangkarapatang pantao ang malawakang militarisasyon sa Mindanao na nagresulta sa ebakwasyon ng mga sibilyan at ang panggagahasa sa isang menor de-edad sa probinsiya ng Benguet.

Sinabi ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, na naalarama ang mga tagataguyod ng karapatang pantao sa lumalaking bilang ng mga kaso ng paglabag, lalung-lalo na ang mga biktima ay pawang mga bata at menor-de-edad.

Iniugnay din ni Enriquez ang mga paglabag sa tumitindi at malawakang operasyong militar sanhi ng ipinapatupad na Oplan Bayanihan, ang kontra-insurhensiyang programa ng administrasyong Aquino.

Ayon sa grupo, ang mga lugar na pinaglunsaran ng madugong Oplan Bantay Laya ng nakaraang administrasyon ang siya ngayong tinatarget ng Oplan Bayanihan at nakapagtala din ngayon ng mataas na bilang ng pamamasalang.

Partikular umano rito ang rehiyong Bikol, na may naitalang 23 biktima ng pamamaslang. Sumunod ang Timog Katagalugan na may 17 biktima.

“Nahubad na ang maskara ng Oplan Bayanihan, na ito raw ay para sa mga mamamayan, para sa karapatang pantao at para sa kaunlaran,” ani Enriquez.   Aniya, kaparehong taktika ng madugong programang kontra-insurhensiya ni dating pangulong Arroyo ang Oplan Bayanihan ng  kasalukuyang pangulong Aquino-ang paggamit umano ng marahas na pagsupil sa mga kritiko ng gobyerno.

Iginiit pa ni Enriquez na pawang inosenteng mga sibilyan ang nagiging biktima ng kontra-insurhensiyang kampanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pag-aresto sa menor-de-edad

“Nakakalungkot ang mga pangyayari dahil hindi lamang sila ilegal na inaresto, tinortyur ng mga militar. Pinagbibintangan sila na mga rebeldeng NPA (New People’s Army),” ani Jacqueline Ruiz, executive director ng CRC, isang institusyong nangangalaga sa karapatan ng mga batang nasa sitwasyon ng armadong tunggalian.

Noong Marso 22, ilegal na inaresto ng 74th Infantry Batallion, Philippine Army sina Elmer Desuyo, 19-anyos, Rey Rodrigo at Reynaldo delos Santos kapwa 17-anyos. Ang tatlo’y naglalakad sa Brgy.   Pansoy, San Andres, Quezon nang makasalubong nila ang mga hindi naka-unipormeng mga kalalakihan na may malalakas na kalibre ng baril.  Agad umanong tinutukan ng nagpakilalang mga sundalo ang tatlo at hinuli ng walang dahilan. Ang tatlo’y pawang mga residente ng Brgy. Nasalaan San Francisco, Quezon.

Sa kuwento ni Jessica delos Santos ina ni Reynaldo, matapos na arestuhin ang tatlo, isang nagpakilalang Corporal Richard Casciano ng 74th IB ang pumunta sa kanilang bahay at sinabihan siya hingil sa pagkaaresto sa tatlo sa Sitio Tagbakan, Brgy. Pansoy San Andres Quezon. Diumano, inaresto ang tatlo matapos mapa-engkuwentro ang mga sundalo sa mga rebeldeng NPA.

Iginiit ni Jessica na hindi NPA ang kanilang mga anak, bagkus mga magsasakang dumayo sa San Andres upang maghanap ng trabaho sa mga koprahan sa lugar ng insidente. “Totoong hindi NPA ang anak ko. Mahirap lang kami at nais niyang tumulong sa amin kaya siya naghahanap ng koprahan,” giit ni Jessica.

Sinabi pa ni Jessica na sinabihan siya ng mga sundalong puntahan na lamang sa kampo ang mga inaresto at huwag umanong mag-aalala dahil hindi raw sinaktan ang mga ito ng mga militar. Ngunit matapos puntahan ng mga magulang ang tatlong biktima sa company headquarters, hindi kaagad ipinakita sa kanila ang mga inaresto, dahil ililipat na umano ang mga ito sa bayan. Ayon pa kay Jessica, sinabihan silang sumama na lamang sa paglipat ng tatlo, at pinasakay sa trak ng sundalo kung saan nakita niya ang kanyang anak na si Reynaldo na nakasakay na at nakapiring pa ang mata.

“Nagpapasalamat ako noong una na hindi daw nila sinaktan ang anak ko, iyon pala hindi totoo. Okey lang sana kung piniringan lang nila, pero ang kuwento ng anak ko pinagsisipa sila,” ani Jessica.

Kuwento ng tatlong inaresto, sinipa sila at kinulata ng baril sa kanilang tagiliran. Dagdag pa nila, pinaputukan pa si Elmer malapit sa kanyang tainga na sanhi umano ng pansamantalang pagkabingi nito.

Iginiit din ni Vicenta Rodrigo, ina ni Rey na walang engkuwentrong nangyari noong maganap ang pag-aresto sa kanilang mga anak. “Walang engkuwentrong nangyari. Nadaanan lang nila ang mga nag-ooperasyon na militar. Hinuli na nila ang anak ko. Mga magsasaka lang sila, naghahanap ng mapapakyaw na kopra,” aniya.

Sa kasalukuyan, patuloy na nakakulong sa Lucena Provincial Jail ang tatlo at sinampahan ng kasong illegal possession of explosives at frustrated murder.

“Hindi lamang sila ilegal na inaresto, ikinulong at tinortyur. Malala pa nito, binabansagan silang mga miyembro ng NPA sa kanilang murang edad,” ani Ruiz. Sinabi pa ni Ruiz na nagpapatuloy ang pagbabansag sa mga bata at menor-de-edad bilang “batang mandirigma” sa malabong konteksto ng Paris Principles ng United Nations.

Panibagong kaso ng panggagahasa

Pinangangambahan din ng mga grupong nagtataguyod sa karapatan ang mga kaso ng panggagahasa ng mga militar sa menor-de-edad. Kamakailan, isang 16-anyos na estudyante ang hindi na nakasama sa seremonya ng pagtatapos sa hayskul dahil kinakitaan ito ng pagkaligalig at pagkatatakot na sanhi ng panggagahasa ng isang kapitan ng 50th IB na nakadestino sa Mankayan, Benguet.

Ayon sa CRC at batay sa kuwento ng kapatid ng biktimang si Isabel (di tunay na pangalan), ilang araw umanong nawala ang biktima at sa pag-aakalang umuwi lamang siya sa bahay ng kanilang mga magulang. Noong Pebrero 20, umuwi ang biktimang si Isabel sa tinitirhan nilang magkapatid na mistulang pagod na pagod, nahihilo at hirap maglakad. Sa pagdududa ng kapatid, hinalungkat niya ang ang bag ng biktima, at na may lamang isang kahon ng doughnut, isang kilong baboy, bagong cellphone, P1,000 at kapote ng militar. Maliban dito, nakita rin sa gamit ng biktima ang contraceptive pills at entrance ticket sa Military Shrines Service, sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ayon pa sa grupo, nang komprontahin ang biktima ng kanyang kapatid, sinabi ng nauna na hindi ito umuwi sa kanilang mga magulang noong Pebrero 17. Ikinuwento ng biktima na dinala umano siya ni Capt. Danilo Lalin sa Ifugao at doon ginahasa. Dinala rin umano ni Capt. Lalin si Isabel sa Taguig Hospital upang ipasuri at binilhan pa ng gamot.

Hindi rin maalala ng biktima kung saan-saang lugar dinala ang biktima dahil sa kalagayan nito na tila nababalisa.

Matapos magsumbong ang pamilya sa Philippine National Police-Mankayan,  dinala ang biktima sa Benguet Hospital upang ipasuri. Sa eksaminasyon sa biktima, napag-alamang posibleng ginahasa ng hindi lang isang lalaki si Isabel. Gayundin, kinakitaan siya ng pagkaligalig sa isip (mentally distressed) at matinding takot.

Mula noong nakaraang taon, nakapagtala na CRC ng tatlong kaso ng panggagahasa ng mga militar sa mga menor-de-edad. Ngunit para sa Tanggol Bayi, asosasyon ng mga babaing tagapagtanggol ng karapatang pantao, maaaring konserbatibo pa ang bilang na ito. Ayon sa grupo, sa ilalim ng Oplan Bantay Laya may mga kaso na ng panggagahasa ng militar at nagpapatuloy umano ang mga ito sa panahon ng Oplan Bayanihan ng kasalukuyang administrasyon.

“May mga kahalintulad na insidente ngunit hindi ito naisasadokumento dahil takot ang mga biktima gayundin ang kahihiyan na inaabot nila kaugnay ng pangyayari,” ani Cristina Palabay, tagapagsalita ng grupo. Sinabi pa ni Palabay na ang pangagahasa sa kababaihan at mga menor-de-edad ay patunay na nasa panganib ang mga buhay at karapatan ng mga mamamayan.

Tumitinding militarisasyon

Bukod sa ilegal na mga pag-aresto, pagbansag na rebelde at panggahasa sa mga menor-de-edad, biktima rin ang daan-daang bata sa inilulunsad na operasyong militar sa Mindanao.

Ayon sa Karapatan, lumikas ang 335 pamilya ng tribong Mamanwa (1,589 indibidwal) sa 10 komunidad na saklaw ng Agusan del Norte at Surigao del Norte. Lumikas ang mga katutubo matapos magkaroon ng operasyong militar ang 30th IB at 3rd Special Forces ng 402nd Brigade ng AFP, sa mga komunidad na saklaw ng Zapanta Valley, at magkaroon ng walang habas na pagpapaputok at pagbobomba ang mga militar. Nananatili pa rin hanggang sa kasalukuyan sa evacuation center sa Butuan City at iba pang lugar ang mga katutubo.

Bukod sa militarisasyon, kinondena rin ng grupo ang pag-okupa ng mga militar sa pampublikong lugar tulad ng barangay hall at day care centers, tulad ng pag-okupa ng 19th IB sa kapilya, barangay hall ng Liberty, Ormoc City simula pa noong Pebrero 27. Nagsisilbing day care center ang isang bahagi barangay hall. Aabot sa mahigit 50 sundalo ang kasalukuyang nakahimpil sa barangay hall. Bukod sa istorbong nililikha ng mga sundalo sa pag-aaral ng mga batang nasa edad apat hanggang lima, nangangamba rin ang mga magulang nila sa kaligtasan ng mga bata, ayon sa CRC.

Panawagan ng naturang mga grupo ang pagtigil sa operasyong militar at pagbasura sa Oplan Bayanihan, gayundin ang pagpapalaya sa mga menor-de-edad na inaresto sa Quezon.

“Kung totoo na wala nang NPA, natalo na tulad ng ipinagyayabang ng AFP, bakit mayroon pa ring programang kontra-insurehensiya? Dapat ng ibasura ang Oplan Bayanihan,” pagtatapos ni Enriquez.