Pinoy Weekly

Korte Suprema ‘inawitan’ ng TRO sa de-listing ng Migrante party-list

Mga parol na ipinarada ng Migrante Party-list sa harap ng Korte Suprema. (Contributed Photo)

Mga parol na ipinarada ng Migrante Party-list sa harap ng Korte Suprema. (Contributed Photo)

Maagang christmas caroling ang handog ng mga miyembro ng Migrante sa Korte Suprema ngayong araw para hingiin ang mabilis na pag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO)  sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na tanggalin ang grupo mula sa listahan ng mga party-list na makakatakbo sa 2010 halalan.

“Umaasa kami na wawakasan ng Supreme Court ang pambabalasubas ng Comelec sa Party-list System Act. Naniniwala kami na pagbibigyan ng mataas na korte ang kagustuhan ng ating mga ‘bagong bayani’ na magkaroon ng representasyon sa Kongreso,” sabi ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Sectoral Party.

Inawit ng mga kasapi ng Migrante ang Sa Supreme Court sa tono ng Sa May Bahay, na may lirikong: ”Sa Supreme Court ang aming bati/ Merry Christmas na maluwalhati/ Ang hustisya nawa’y maghari/ Para ang Migrante’y makatakbo muli.”

Inawit rin nila ang Comelec sa tono ng Jingle Bells, na nagsasabing: “Comelec, Comelec bakit dinelist/ Sa mga tatakbo, Migrante Party-list?/ Hey, Comelec, Comelec bakit nagpasulsol/ Sa dikta ng Palasyo at sa among ulol?”

Sa kanilang isinumiteng petisyon para sa TRO noong Nobyembre 20, sinabi ng Migrante na  hindi sumusunod ang de-listing sa due process na nakasaad sa Seksyon 6 ng Party-list System Act, at ang batayang ginamit ng Comelec para tanggalin ang Migrante ay hindi nasusulat sa nabanggit na batas.

Nag-caroling ang mga miyembro ng Migrante sa harap ng korte para hilingin ang akisyon laban sa umano'y ilegal na de-listing ng grupo mula sa halalang party-list. (Contributed Photo)

Nag-caroling ang mga miyembro ng Migrante sa harap ng korte para hilingin ang akisyon laban sa umano'y ilegal na de-listing ng grupo mula sa halalang party-list. (Contributed Photo)

“Kung nabasura noon ng Supreme Court ang ‘first-party rule’ para tiyaking makakuha ng representasyon sa Kongreso ang mardyinalisadong mga sektor, tiyak na kakayanin rin nitong ibasura ang isang desisyon ng Comelec na malinaw na iligal, walang basehan, at may motibasyong pulitikal laban sa mga grupong kritikal sa administrasyong Arroyo,” sabi ni Regalado.

Sinabi ng grupo na kinakailangang ilabas ng Korte Suprema ang kanilang desisyon bago ang Disyembre 1, ang huling araw para sa pagpasa ng mga party-list ng manipestasyon sa paglahok sa eleksyon.

“Ang TRO mula sa korte ay nararapat na pamasko, hindi lamang sa mga OFW kundi sa demokrasya ng Pilipinas na  inaatake ng Comelec sa pamamagitan ng panggigipit sa progresibong mga party-list tulad ng Migrante,” ani Regalado.

Sabi pa ni Regalado na handa ang mga OFWs, mula sa 23 balangay nitong nakakalat sa buong mundo, na magtuloy-tuloy ng protesta kapag tinuluyan ng gobyerno ang hindi pagbibigay ng pagkakataon sa mga migrante na magkaroon ng representasyon.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5106

Posted by on Nov 24 2009. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes