Espesyal na Ulat

Isyung bayan, pag-usapan sa halalan


Bulok ang pulitika ng bansa – ito’y tiyak na natin. Sa panahon ng kampanya sa eleksiyon, laman ng mga pahayagan, telebisyon at radyo ang mga paninirang-puri ng magkakalabang pulitiko. Batbat ang midya ng jingle at gimik para mapansin natin ang mga kandidato.

Bulok ang pulitika ng bansa – ito’y tiyak na natin. Sa panahon ng kampanya sa eleksiyon, laman ng mga pahayagan, telebisyon at radyo ang mga paninirang-puri ng magkakalabang pulitiko. Batbat ang midya ng jingle at gimik para mapansin natin ang mga kandidato.

Pero tila nakakalimutan o hindi napag-uusapan ang batayang mga isyu ng bayan. Totoo, hindi masayang pag-usapan ang repormang agraryo, o polisiya sa ugnayang panlabas, o sa usapang pangkapayapaan. Pero ito ang batayang mga suliranin na kakaharapin ng mga pangulo. At ito ang naibabaon sa limot sa panahon ng eleksiyon.

Tungkulin ng alternatibong midya na iungkat ang mga usaping ito. Kung kaya ngayon hanggang sa bisperas ng botohan sa Mayo 10, 2010, maglalabas ang Pinoy Weekly ng mga ulat hinggil sa mga paninindigan ng mga kandidato sa pagka-presidente sa iba’t ibang batayang isyu ng bayan.

Husgahan sila batay sa kanilang mga pangako’t paninindigan, rekord at plataporma.

Isyu #1: Mga pananaw sa repormang agraryo

Mga magsasaka ang pinakamalaking sektor sa bansa. Sila ang naglilikha ng makakain ng mga mamamayan. Ngunit tali pa rin sa lupang hindi nila pag-aari ang mayorya sa mga magsasaka. Bigo ang mga repormang agraryo na inilunsad ng nakaraang mga administrasyon. Ano naman ang iniaalok ngayon ng mga kandidato sa pagkapangulo? Tunay na repormang agraryo o dating gawi na naman na pamamayani ng panginoong maylupa?

Isyu #2: Sino ang tunay na para sa mga OFW?

Kung ilang dekada na ang labor-export policy ng gobyerno sa bansa. Pero hangad pa rin ng malawak na bilang ng mga mamamayan ang disente, nakabubuhay at makataong trabaho sa bansa. Samantala, sa ibayong-dagat, patuloy na inaabuso at minamaltrato ang mga OFW. Ano ang masasabi ng mga kandidato sa pagka-presidente hinggil dito? Ano ang kanilang mga rekord, ang kanilang mga pangako, at ang kanilang mga paninindigan, ngayon at matapos ang 2010 halalan?

Isyu # 3: Malinis na paggogobyerno

Mula sa mas matataas na parusa hanggang sa pagbigay ng pabuya, may kanya-kanyang mungkahi ang mga kandidato sa pagkapresidente para masugpo ang korupsiyon at katiwalian sa gobyerno. Pero luma na ang mga mungkahing ito, at panatunayan sa nakaraan na hindi nasugpo ang korupsiyon. Basahin kung ano na ang mga binabalak at/o ipinapangako ng mga kandidato sa pagkapresidente ngayon.

Isyu # 4: Karapatan ng kababaihan, adyenda ba ng presidentiables?

Pang-ekonomiko at pampulitikang karapatan, paglaban sa karahasan, karapatan sa reproductive health – ilan ito sa mga isyung mahalaga sa kababaihan. Pero ano ang sey ng mga kandidato sa pagkapresidente? Mukhang maliban sa kontrobersiyal na Reproductive Health Bill — at dahil sa pagtutol dito ng simbahang Katoliko — hindi masyado napag-uusapan ang marami sa isyung pangkababaihan. Hindi marahil itinuturing na kailangang pag-usapan at maaaring makakumbinsi sa maraming botante ang mga isyung ito.

Isyu # 5: Umaasa pa rin sa ekonomiyang nakaasa sa dayuhan

Nakalulungkot na walang masyadong pinag-iba ang mga kandidato sa pagkapangulo ngayong halalang 2010 sa nakaraang naging mga kandidato at presidente. Wala pa ring plano ang karamihan sa mga kandidato sa pagkapangulo na lumihis sa dati nang palpak na pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa batay sa dependensiya sa dayuhang kapital. At wala ring sapat na plano ang maramo sa pagpapaunlad ng batayang mga lokal na mga industriya na kailangan para umunlad ang bansa.

Isyu # 6: May tsansa ba ang pambansang soberanya?

Walang pang administrasyon ang bumangga sa panghihimasok ng Estados Unidos sa Pilipinas. Sa mga kumakandidato ngayon, mayroong may gusto ng mas mahigpit pang ugnayang militar, mayroon din namang kumukuwestiyon na rito. Uriratin natin ang posisyon ng mga kandidato sa pagkapresidente sa mga isyung hinggil sa ugnayang panlabas ng bansa, laluna sa Visiting Forces Agreement at presensiya ng tropang militar ng US sa bansa.

Isyu # 7: Diskarte sa panlipunang serbisyo ng susunod na pangulo

Taun-taon, naglalaan ang gobyerno ng pinakamalaking bahagi ng badyet para sa pagbayad ng utang panlabas. Taun-taon din, unti-unting tinatapyasan ang badyet para sa batayang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. May bago bang ipinapangako ang mga kandidato sa pagkapresidente?

Isyu # 8: Sino ang may pinakaberdeng plataporma?

Lahat nangangakong may pagmamahal sila sa kalikasan. Pero kung bubulatlatin ang rekord at plataporma ng mga kandidato, makikita na iba-iba ang pamamaraan nila ng sinasabing pagmamahal. Iba-iba rin ang aktuwal na implikasyon sa kalikasan ng mga paninindigang ito.

Isyu # 9: Sining at kultura sa mata ng mga kalahok sa pagkapangulo

Ano ang tindig ng mga kandidato sa pagkapangulo sa pagtaguyod sa sining at kultura ng bansa? Ano ang kanilang mga pananaw sa paglaganap ng wikang Pilipino bilang susi sa paglilinang ng kulturang Pilipino?

Isyu # 10: Hamon ng obrero

Oo na, para na sa mahihirap silang mga kandidato sa pagkapresidente. Pero di ba mga manggagawa ang ilan sa pinaka-naghihirap sa bansa ngayon? Bakit walang malinaw na tindig ang karamihan sa mga presidentiable sa mga usapin ng dagdag-sahod at kontraktuwalisasyon?