Pinoy Weekly

Suweldo, guro at gobyerno

May malaking bentahe sa pagtatrabaho sa gobyerno. Ayaw mong maniwala? Lumalabas sa datos ng Commisson on Audit (COA) na may ilang pinagpalang kumita nang milyon-milyon. Noong 2009, halimbawa, ang sahod raw si Armand Arreza, administrador ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), ay umabot ng P26.9 milyon. Kung totoo ang datos ng COA, lumalabas na siya ang may pinakamataas na suweldo sa pamahalaan noong 2009.

Pero ang langit para sa iilan ay impiyerno para sa karamihan. Mangilan-ngilan lang ang kumikita habang ang mas marami’y katiting lang ang nakukuha. Ayaw mong maniwala? Ang isang guro sa pampublikong paaralan (public school teacher) ay kumikita lang ng P15,649 bawat buwan (Salary Grade 11-1).

Matagal nang kampanya ang pagtataas ng suweldo nila. Ito ang dahilan kung bakit naghain ng panukalang batas noong Agosto 4 ang ACT Teachers Party-list para matupad ang matagal nang kahilingan ng kaguruan. Ayon sa press release ng grupong nakakuha ng isang upuan sa House of Representatives, ang pag-apruba sa House Bill No. 2142 ay mangangahulugan ng pagtataas ng suweldo ng public school teachers sa P24,887 bawat buwan.

Higit pa sa pera, ang pagtataas ng salary grade ng kaguruan ay pagkilala sa kanilang mahirap nilang gawain. Hindi biro ang paghahandang ginagawa ng mga seryosong guro para epektibong mahubog ang kaisipan ng mga estudyante. Hindi rin biro ang maghapong paggamit ng boses, nakakangawit na pagsusulat sa blackboard o whiteboard at madalas na pagtayo o paglalakad sa loob ng klasrum para idiin ang mga importanteng punto. Lalong hindi biro ang pagharap sa ilang magulang at administrador para sagutin ang anumang isyung may kinalaman sa kanila.

Hindi ko na kailangan pang ilista ang dagdag na trabahong ibinibigay sa kanila. Tuwing may eleksiyon, inaasahan silang maging board of election inspectors (BEIs). Tuwing may census, sila ang inaasahang magpunta sa mga bahay para magsagawa nito.

Kung hindi biro ang trabaho ng guro, bakit nagiging malaking biro ang kanilang suweldo? Kung bigat ng trabaho na rin lang ang usapin, hindi ba’t masasabing kalbaryo ang buhay nila?

Gaya ng nabanggit kanina, ang pagtataas ng suweldo ng mga guro ay isang pagbibigay-pugay sa kanila. Sa kontekstong ito, walang dahilan para hindi aprubahan ang HB 2142. Tanging ang kontra sa interes ng ordinaryong empleyado sa gobyerno ang tututol dito.

Sa isang banda, wala ring dahilan para hindi aprubahan ang mga nakaraang panukalang batas hinggil sa pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa sa pribado’t publikong sektor. Pero ano ang nangyari? Hindi naipasa ang mga ito kahit na suportado ng maraming miyembro ng Senado’t Kamara de Representante. Dahil sa mapanlikha’t mapanlinlang na maniobra ng ilang opisyal noon sa Malakanyang, nauwi sa wala ang mahigit 10 taong kampanya ng mga manggagawa para itaas ang suweldo. (Sa mga hindi pa nakakaalam, nag-umpisa ang kampanya ng mga manggagawa para sa P125 dagdag sa arawang sahod noong Agosto 1999. Inihain ang panukalang batas tungkol dito, kasama na ang P3,000 dagdag sa buwanang sahod ng mga empleyado ng gobyerno, nang maupo ang mga kinatawan ng Bayan Muna noong 2001.)

Hindi tulad ng ilang pinagpala, hindi naman humihingi ng milyon-milyon ang mga empleyado ng gobyerno na kung saan ang pinakamalaking grupo ay ang public school teachers. Wala silang hinihiling na dagdag-ganansiya kundi kung ano lang ang akma sa kanila. Ano ba naman ang masama sa pagkakaroon ng mas mataas na suweldo para maibsan, kahit kaunti lang, ang problema sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin?

Kung maraming nakakakita sa hustisya, may iilan pa ring nananatiling kontra. Ang problema nga lang, ang mangilan-ngilang ito ay nasa posisyon ng kapangyarihan. Nakikita nila ang problema sa pagbibigay-ginhawa sa mga dapat ay patuloy na naghihirap. Simple lang ang dahilan dito: Nananatili ang kanilang kapangyarihan dahil ang marami’y patuloy nilang pinangingibabawan.

Para sa kanila, nakakatakot ang pangyayaring ito: Oras na itaas ang suweldo ng mga guro, hindi na nila masyadong magiging problema ang pera. Mas magkakaroon na sila ng panahon para magbasa, magsuri at sumapi sa mga organisasyong pangkaguruan. Mas mapapalalim na nila ang kanilang kaalaman na kanilang ipapasa sa mga estudyante. At ang pinakanakakatakot sa lahat: Maaaring maging kritikal ang mga estudyante sa mga nangyayari sa paligid nila, at ito’y kasalanan ng mga guro! Sadyang hindi na makakayang pangibabawan ang mga may malalim na kaalaman!

Ito ang dahilan kung bakit dapat patuloy na subaybayan ang kahihinatnan ng HB 2142. Mainam ding isabay sa pagbabantay ang iba pang panukalang batas hinggil sa pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa sa pribado’t publikong sektor. Hindi dapat panghinaan ng loob kahit na siyam na taon na ang nagdaan at hindi pa naaaprubahan ang anumang may kinalaman sa isang legislated wage hike.

Kasabay ng pagkondena sa ilang pinagpala, kailangang ituloy ang kampanya para sa mga maralita.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8665

Danilo Araña Arao Posted by on Aug 9 2010. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in (Kolum), Konteksto (561 of 772 articles)