Konteksto

Numero at karapatang pantao


May 14 na aktibistang pinatay sa ika-93 araw ng panunungkulan. Ano ba ang kahulugan ng estadistikang ito?

May 14 na aktibistang pinatay sa ika-93 araw ng panunungkulan. Ano ba ang kahulugan ng estadistikang ito?

Sa perspektiba ng mga mahilig sa matematika, simple lang: Isang aktibista ang pinatay bawat linggo mula nang manungkulan si Pangulong Benigno Aquino III noong Hulyo 1 hanggang noong Oktubre 1 nang paslangin si Rene Quirante, 48, isang lider-magsasaka sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Sa mga patuloy na sumusuporta sa popular na pangulo, hindi dapat mag-alala ang mga aktibista. Hindi naman daw masyadong tataas ang numerong ito sa panahon ng diumanong daang matuwid. Hindi ba’t kabaligtaran daw ni Pangulong Aquino si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo? Kung sa panahon ni Macapagal-Arroyo mula 2001 hanggang 2010 ay umabot sa 1,205 aktibista ang pinatay, siguro naman daw ay hindi aabot sa ganitong numero ang insidente ng pagpaslang sa anim na taong panunungkulan ni Aquino mula 2010 hanggang 2016.

Para sa kanilang naniniwalang may kinalaman ang militar sa paglabag sa karapatang pantao, siguro’y naniniwala silang may ilang elemento sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na dapat usigin. Layunin kasi nilang hiyain ang kasalukuyang administrasyon. Para naman sa mga duda sa paratang ng mga aktibista, may ilang dilawang naniniwalang gawa-gawa lang ito ng New People’s Army (NPA). Puwede ngang ang mga rebeldeng NPA mismo ang pumatay sa mga aktibista. Parehong argumento ang gagamitin sa puntong ito: Layunin kasi nilang hiyain ang kasalukuyang administrasyon.

AFP man o NPA ang responsable sa patuloy na pagpaslang sa mga aktibista, iisa lang ang argumento ng mga taga-suporta ni Aquino: Wala pong kinalaman ang huli. Hindi puwedeng maging baluktot ang daang matuwid. Hindi puwedeng maging tiwali ang anak ng tinaguriang Ina ng Demokrasya. Siya ay isang Aquino. Malinaw na hindi siya si Macapagal-Arroyo.

Kung mayroon mang paglabag sa kapatang pantao, ang normal na argumento ng mga nasa kapangyariha’y aberasyon ito ng kapayapaang namamayani. Paanong magiging kaaway ang mga diumanong kakampi ng mamamayan? Sa perspektiba ng bagong administrasyon, imposible ang mga akusasyon ng mga militanteng grupo.

Kung ngayon ay may kapayapaan, kinabukasa’y magkakaroon naman daw ng kaunlaran. Para sa mga nagwawagayway ng bandilang dilaw, lahat ng tao’y may karapatan. Kung may nalabag man, wala nang kinalaman dito ang iniidolong Pangulo.

Kung sabagay, ano nga ba naman ang 14 na pinatay? Ito ay 0.000015% lang ng 94 milyong populasyon ng ating bansa, ayon sa datos ng National Statistics Office (NSO). Kung gagamit ng teknikal na termino sa wikang Ingles, lumalabas na statistically irrelevant ang mga aktibistang pinatay. Bakit ba naman patuloy ang pag-iingay ng mga militanteng grupo? Para sa mga taga-suporta ng diumanong daang matuwid, wala silang karapatang magreklamo!

Pero isakonteksto natin ang numerong 14. Mababa nga ba ito? Mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, (na kung saan ang Pangulo ay si Macapagal-Arroyo), ang mga pinatay na aktibista’y umabot sa 17. Ano ang implikasyon nito? Sa panahon ng diumanong daang matuwid, kulang na lang ng tatlo’y mapapantayan na nito ang mga pinaslang sa loob lamang ng huling anim na buwan ni Macapagal-Arroyo!

Mababa man o mataas, malinaw na hindi tayo dapat malunod sa mga numero. Iyan naman ang problema sa pagbibigay ng sobrang atensiyon sa mga estadistika. Ang anumang pagbabago’y tinitingnang positibo, tulad ng pagtaas ng suweldo. Wala mang masama sa pagtingin sa mga numero, kailangan pa ring isakonteksto ang mga ito.

Paano na lang kung kasabay ng pagtaas ng suweldo ay ang pagtaas sa presyo ng bilihin? Makakatulong din kaya ang mataas na suweldo kung ang manggagawa’y patuloy na walang kaseguruhan sa trabaho?

Kung sa ekonomiks ay mahalaga ang isinakontekstong numero, ganito rin ang kaso sa usapin ng paglabag sa karapatang pantao. Susing usapin kasi sa karapatang pantao ang proteksiyong ibinibigay ng mga nasa kapangyarihan para sa lahat ng mamamayan. Mahirap mang makamit, dapat na walang insidente ng paglabag ng karapatang pantao sa isang lipunan.

Paano naman kung mayroon? Dapat bang tingnang positibo ang sitwasyong mas mababa ang numero sa kasalukuyan kumpara sa nakaraan? Sa konteksto ng pagtrato sa tao bilang tao (na siyang konsepto ng karapatang pantao), walang pagkakaiba ang isa o 10 pinatay. Pareho lang itong repleksiyon ng kawalan ng proteksiyon!

Statistically irrelevant nga ba ang 14 na pinatay? Sabihin mo kaya ito sa mga naulilang pamilya ng mga pinaslang, pati na rin sa mga kasama nilang patuloy na nakikibaka? Huwag kang mag-alala. Hindi ka naman nila papatayin sa iyong pagkabighani sa numero. Siguro’y magpapaalala lang silang ang mga pinatay ay hindi numero, kundi mga tao. Hindi sila mga estadistika dahil silang lahat ay may mukha.

Tumaas man o manatili ang bilang ng mga pinatay sa mga susunod na buwan, malinaw ang katotohanan: Patuloy ang pulitikal na pagpatay sa mga aktibista, gayundin ang iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao. At dahil mayroon pa ring mali, nananatiling mito ang daang matuwid!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.