10 istoryang pinalampas ng midya noong 2010


Mula sa makatarungang hiling ng mga manggagawa’t magsasaka hanggang sa tila may-pagkiling na pag-uulat sa halalan, malaking kawalan sa publiko ang hindi masyado pagpansin ng komersiyal na midya sa mga istoryang ito.

Mahalaga, ngunit nagkulang sa pansin. Tulad noong nakaraang taon, tinipon ng Pinoy Weekly ang mga istorya noong 2010 na tinataguriang “underreported” o hindi nabigyan ng midya ng sapat na espasyo (sadya man o hindi) sa kanilang mga ulat bilang isyu o kaganapang dapat alam ng publiko. Nabigyan sana ang publiko ng kumpleto at mas tumpak na larawan ng ating pambansang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapatampok sa mga istorya at perspektibang ito mula sa mardyinalisadong mga sektor ng lipunan.

Hiling ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod

Matagal nang idinadaing ng mga manggagawa ang mababang sahod, pero tila hindi sila napakikinggan. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Matagal nang idinadaing ng mga manggagawa ang mababang sahod, pero tila hindi sila napakikinggan. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Nagmartsa ang mahigit isang libong manggagawa noong Nobyembre 30, araw ni Gat Andres Bonifacio, para igiit ang isang kagyat na pangangailangan: dagdag-sahod.  Ayon sa Kilusang Mayo Uno, napako ang sahod ng mga manggagawa sa mahabang panahon. Ang minimum wage sa National Capitol Region (NCR) na P404, halimbawa, ay P242 na lamang ang tunay na halaga na dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Walang tugon dito si Pangulong Aquino. Nang  maupo sa puwesto, itinaas nang di-lalampas sa P20 ang sahod sa iba’t ibang rehiyon. Kaya noong Nobyembre 30, ibinandera ng isang bagong tayong alyansa, ang Katipunan ng Makabayang Manggagawa at Mamamayan (KPMM), ang pagiging makatarungan ng dagdag-sahod kapwa sa pribado at publikong sektor.

Hindi gaanong pinag-usapan sa midya ang pagkilos—at hiling—na ito.  Mas mabusisi pa ang pagsubaybay ng midya sa jackpot prize ng Lotto at ang palpak na pag-twit ng isang kolumnistang sosyal kung sino ang nanalo.  Hindi rin napansin ng midya ang pagkansela ng committee hearing sa Kamara noong Disyembre 15 hinggil sa panukalang P125 across-the-board na dagdag-sahod.

Pagkait sa lupa ng mga magsasaka

Magsasaka sa Hacienda Luisita, pinakikinabangan na ang lupaing dapat kanya. (KR Guda / PW File Photo)
Magsasaka sa Hacienda Luisita, pinakikinabangan na ang lupaing dapat kanya. (KR Guda / PW File Photo)

Hindi nababanggit ang reporma sa lupa sa anumang programa ni Pangulong Aquino. Kung tutuusin, kapuna-puna ito dapat dahil magsasaka ang mayorya ng mga Pilipino at ang kawalan ng lupa ay isa sa itinuturing na ugat ng kahirapan at inhustisya. Bukod pa sa may pansariling interes sa status quo sa pag-aari ng mga lupain ang kanyang angkan. Pero ni hindi napag-uusapan ang pagkiling niyang ito sa uring pinagmulan, kahit nang magkaroon ng compromise agreement sa Hacienda Luisita.

Bukod sa kaso ng Hacienda Luisita na sinubaybayan ng midya (kahit hindi masasabing naging makatarungan ito sa lehitimong laban ng mga masasaka), lumampas ang iba pang mga kaso ng pangangamkam at pagkakait sa lupa ng mga magsasaka. Itinataboy sila para tayuan ng mga komersiyal/industriyal na engklabo ang itinuturing na super regions, gaya ng Hacienda Yulo at Looc sa Batangas, at Hacienda Sta. Isabel at San Antonio sa  Isabela. Sa Negros naman, kontrolado pa rin ni Danding Cojuangco, tiyuhin ng pangulo, ang 11 asyendang tubuhan.  Nagkaroon diumano ng exchange deal sa pagitan nila noong nakaraang eleksiyon: hands-off sa lupain ni Danding kapalit ng suportang elektoral, ayon sa National Federation of Sugar Workers. Isang bagay na ‘di nakapagtataka, at ‘di rin naiuulat.

Ang misteryosong pagkamatay ni Gregan Cardeño

Misteryoso ang pagkamatay ni Gregan Cardeno sa kamay ng pinaghihinalaang mga sundalong Kano, pero hindi masyado nakakuha ng atensiyon ang kaso sa midya. (Contributed Photo)
Misteryoso ang pagkamatay ni Gregan Cardeno sa kamay ng pinaghihinalaang mga sundalong Kano, pero hindi masyado nakakuha ng atensiyon ang kaso sa midya. (Contributed Photo)

Misteryoso ang pagkamatay ni Gregan Cardeño, isang interpreter para sa mga sundalong Amerikano ng Joint Special Operations Task Force-Philippines. Sa naunang mga ulat sa midya, nagpakamatay si Cardeño noong Pebrero sa loob ng kampo ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Marawi City.  Ngunit pinagdududahan ito ng kanyang pamilya.  Sa ulat ng fact finding mission ng grupong Karapatan, maraming kaduda-dudang sirkumstansiya sa pagkamatay ni Cardeño. May mga marka ng tortyur sa kanyang katawan, at ayon sa kanyang pamilya ay walang dahilang magpakamatay si Cardeño bago magtrabaho para sa mga sundalong Kano.  Misteryoso din ang pagpaslang kay Capt. Javier Ignacio, kaibigan ni Cardeño na tumutulong  sa pamilya para imbestigahan ang pagkamatay ni Cardeño.

Sa kabila ng pagiging misteryoso ng dalawang kamatayan, hindi naging malalim ang pag-iimbestiga at pag-uulat dito, gaya ng iba pang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga tropang Kano na namamalagi sa bansa sa ilalim ng kontrobersiyal pa ring Visiting Forces Agreement.

Paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni P-Noy

Para sa mga grupong pangkarapatang pantao, tila walang pinagbago ang rekord ni Aquino kay Arroyo sa karapatang pantao. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)
Para sa mga grupong pangkarapatang pantao, tila walang pinagbago ang rekord ni Aquino kay Arroyo sa karapatang pantao. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Pumasok ang bagong administrasyon na puno ng pangako, kasama na ang pangakong lulutasin ang mahigit isanlibong kaso ng extra-judicial killings (EJKs). Hanggang sa kasalukuyan, walang nalutas kahit isa. Nakapagtala pa ito ng 22 bagong biktima ng EJKs sa loob ng napaiksing panahon.  Maliban sa Morong 43, malaking bilang pa rin ng mga bilanggong pulitikal ang hindi napapalaya.  Nadagdagan pa ang bilang ng mga bilanggong pulitikal. May apat na lider-progresibo na inaresto sa isang reyd sa Camarines Norte noong Nobyembre at nananatiling nakakulong.

Sa paghahabol ng gobyerno na tapusin ang insurhensiya, tumindi ang militarisasyon, partikular sa Abra, Ilocos Sur, Bikol, Samar, at Leyte (kung saan napaslang ang botanist na si Leonard Co). Aabot sa isanlibong sibilyan ang biktima ng sapilitang paglikas dulot nito.  Laganap din ang pagrekluta ng mga menor-de-edad sa Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu). Sa ulat ng Pinoy Weekly, isang biktima na tumangging magpa-rekluta ang nawala sa katinuan matapos siyang bugbugin ng mga sundalo.

Iilang bahagi lamang ng kalagayang pang-karapatang pantao ang naiuulat ng midya, hindi ang matinding militarisasyon at kultura ng impunidad na nagdudulot ng sistematikong pagyurak sa mga ito.

Pagsasapribado ng mga ahensiya ng gobyerno

Pagsasapribado sa mga ahensiya ng gobyerno sa ilalim ni Pangulong Aquino: Tahimik na napapatupad. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Pagsasapribado sa mga ahensiya ng gobyerno sa ilalim ni Pangulong Aquino: Tahimik na napapatupad. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Tinik sa lalamunan ng mga kawani ng gobyerno ang Executive Order 366 o government rationalization program ni dating Pangulong Arroyo, na magtatanggal sa trabaho ng libu-libo sa kanila. Pero sa halip na ibasura ang EO 366, noong Setyembre ay naglabas ang administrasyong Aquino ng plano para sa full implementation nito. Alinsunod dito, iniutos ang pagsibak sa puwesto ng 30 porsiyento ng mga empleyado sa livestock at iba pang attached agency ng Department of Agriculture. Noong 2009, nauna nang natanggal ang 2,000  empleyado sa reorganisasyon ng National Food Authority.

Bahagi ito ng “build-operate-transfer” at mga “public and private partnership” (PPP) na itinutulak ni Pangulong Aquino sa konteksto ng ibayong pagsasapribado ng mga serbisyo ng gobyerno. Tinututulan ng mga kawani gobyerno ang pagsasapribado—partikular sa imprastruktura at pasilidad sa agrikultura—hindi lamang dahil maapektuhan sila ng tanggalan. Tutol din sila dahil mababago umano ang oryentasyon ng mga serbisyo tungo sa pagkamal ng kita at hindi na magiging abot-kaya sa mga mamamayan, gaya ng nauna nang nangyari sa mga ahensiya sa langis, tubig, at kuryente.

Tanggalan sa ABS-CBN

Welga ng mga manggagawa ng ABS-CBN, dinedma hindi lamang ng mismong estasyon ng telebisyon, kundi pati ng karibal na estasyon, na nagpapatupad ng parehong polisiya sa paggawa. (Jose Cosido / PW File Photo)
Welga ng mga manggagawa ng ABS-CBN, dinedma hindi lamang ng mismong estasyon ng telebisyon, kundi pati ng karibal na estasyon, na nagpapatupad ng parehong polisiya sa paggawa. (Jose Cosido / PW File Photo)

Simula Hunyo 17, inumpisahan ng manedsment ng pinakamalaking TV network sa bansa na ilegal na tanggalin ang kanilang mga manggagawa, marami sa kanila’y 10 hanggang lampas 20 taon nang doon nagtatrabaho. Ang dahilan ng tanggalan: pinipilit nilang kilalanin ng manedsment ang itinayong unyon, at maturingang regular ang status. Nahubaran ng maskara ang ABS-CBN sa insidenteng ito bilang isang mabangis na kapitalista na nagpapasya para alagaan hindi ang mga “kapamilya” nito, kundi ang tubo na hindi bababa sa $2-Bilyon sa unang kuwarto pa lamang ng taon. Sa huli, may 114 kasapi ng ABS-CBN Internal Job Market Workers Union ang tinanggal.

Hindi nila piniling tumahimik kahit pa mayroong umiral na media blackout sa kanilang sitwasyon. (Maging ang karibal na TV network ng ABS-CBN, may utos mula sa manedsment na huwag ikober ang IJMWU) Noong Oktubre 13 itinayo nila ang isang piketlayn sa harap ng ABS-CBN. Nananatili itong nakatindig hanggang sa ngayon, sa tulong ng mga militanteng grupo ng paggawa at kabataan.

US at pagmamanipula sa resulta ng halalan

Prop. Jose Ma. Sison (Mula sa kanyang FB account)
Prop. Jose Ma. Sison (Mula sa kanyang FB account)

Hindi na binigyan pa ng kredibilidad nang lampas sa pagiging conspiracy theory ang isiniwalat ni Prop. Jose Maria Sison, punong konsultant ng National Democratic Front of the Philippines, sa isang panayam sa Pinoy Weekly noong Hunyo 7 hinggil sa noo’y papasok na administrasyong Aquino. Ayon kay Sison, pinagpasyahan ng matataas na kinatawan ng Central Intelligence Agency ng US, pamilyang Aquino at dating pangulong Gloria Arroyo ang pre-programming anim na linggo bago ang araw ng halalan. Diumano’y nag-usap sina Pinky Aquino-Abellada at Arroyo para bigyang daan ang ganitong areglo. Itinanggi ito ni Aquino-Abellada, na dinepensahan din ng papalabas na administrasyong Arroyo.

Sa pagtangging iyon, namatay na rin ang istorya. Wala sa midya ang nangahas na palalimin pa ang anggulong iyon, o ilathala man lang ang kasunod na paglilinaw ni Sison. Sa Pre-programming sa halalan at ibang bagay ukol kay Aquino, ipinaliwanag ni Sison na malaki ang banta sa buhay ng kanyang impormante kaya’t hindi ito lumalantad, gayunpama’y matibay ang batayan ng kanyang alegasyon. Una, ang kawalan ng safeguards ng automated na halalan na nasa dayuhang kontrol, kasabay ng huling-minutong pag-reconfigure ng libu-libong CF cards.  Pangalawa, ang di-makatotohanang pangako ni Aquino na papanagutin si Arroyo sa kanyang mga krimen. Kasaysayan na ang naghuhusga sa mga batayang ito ni Sison—hindi umuusad ang prosekusyon kay Arroyo, at hanggang ngayo’y wala pa ring indipendiyenteng patunay na malinis ang nagdaang halalan.

Karapat-dapat na napalalim ang alegasyon (kahit sa antas man lamang ng pagsusuring pampulitika), dahil malinaw namang bentahe sa gobyernong US ang “mapayapang” pagpapalit ng isang pangulong kinasusuklaman na ng mga mamamayan. Kailangan nitong masiguro ang panalo ng isang pangulo na pinakamaaasahang ipapatupad ang kanilang neoliberal na adyendang pang-ekonomiya at pinakamalayo ang loob sa Kaliwa na tinututulan ang kontra-mamamayang adyendang ito.

Red-baiting sa mga kandidato ng Kaliwa

Black propaganda ng militar kontra kina Ocampo at Maza. (Contributed Photo)
Black propaganda ng militar kontra kina Ocampo at Maza. (Contributed Photo)

Sa kanilang pagpupursige para depensahan ang interes ng mga marydinalisado at itulak ang makabuluhang mga pagbabago, lagi’t laging isinusukli sa progresibo sa larangang ligal ang malisyosong pag-uugnay sa kilusang underground. Umigiting ito noong kampanya sa halalan, partikular laban sa dalawang kandidato sa pagkasenador ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan na sina Satur Ocampo at Liza Maza. Sa halip na busisiin ang mga plataporma na inihahapag nila bilang alternatibo sa bulok na mga patakaran ng gobyerno, mas binubusisi ang mga paratang na walang nais patunguhan kundi ang ibayong panganib ng kanilang mga buhay.

Sa buong bansa, nakatanggap ng nagbabantang mga sulat at itim na laso hindi lamang ang mga kandidato ng Kaliwa, kundi maging ang mga kaalyadong kandidato mula sa mainstream na partidong pampulitika. Ang mga poster nina Ocampo at Maza, pinapaskilan ng anti-komunistang propaganda.

Malaki ang implikasyon ng red-baiting—katumbas ito ng pagsang-ayon sa mga kasunod na paglabag sa karapatang pantao. Ngunit hindi nasingil para sa red-baiting noong kampanya ang tagapagsalita ni Aquino na si Edwin Lacierda at mga kapartido mula sa Akbayan Party-list; gayundin ang mga salarin na militar para sa lawak at tindi ng operasyon.

Pagkiling kay Aquino noong kampanya sa halalan

Mga kandidatong sina Noynoy Aquino at Mar Roxas, sa isang press conference sa Hacienda Luisita matapos ang botohan noong Mayo 2010. (Contributed Photo)
Mga kandidatong sina Noynoy Aquino at Mar Roxas, sa isang press conference sa Hacienda Luisita matapos ang botohan noong Mayo 2010. (Contributed Photo)

Walang dudang naging media darling si Sen. Benigno Aquino III noong panahon ng kampanya. Nariyan ang mga ulat na sukdulang inihahalintulad siya sa isang santo, habang naging tahimik ang midya sa lehitimong mga isyu laban sa kanya—ang kanyang presensiya at direktang pagkakasangkot ng mga bodyguard niya noong masaker sa Hacienda Luisita, o ang kawalan ng track record sa pagpapasa ng mga batas at tindig sa mahahalagang isyu.

Sa kabilang banda, labis na napalaki ang isyung “Villarroyo” o ang pagiging umano’y secret candidate ni Sen. Manuel Villar ng kinamumuhiang dating pangulong Arroyo, sa kabila ng kawalan ng batayan para sa tsismis na ipinakalat ng kampo ng Liberal Party ni Aquino. Marami pang bersiyon ito: nakipagpulong daw si Villar kay dating Presidential spokesperson Mike Defensor (na kanyang itinanggi), kay Executive Sec. Eduardo Ermita, at kay Arroyo mismo sa Syria. Wala ni isa ang may ebidensya, ngunit lumaganap ito sa tulong ng midya at lubhang nakaapekto sa ratings ni Villar.

Sistematikong pagpapabaya sa mga OFW

Ngalan ng mga biktima ng human trafficking sa ibang bansa, na nagnanais makauwi sa bansa noong Pasko. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)
Ngalan ng mga biktima ng human trafficking sa ibang bansa, na nagnanais makauwi sa bansa noong Pasko. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Hindi nawawala sa mga ulat ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na minaltrato, ginahasa’t inabuso sa ibang bansa, ngunit sa kabilang banda ay naiuulat lamang kapag matindi o karumal-dumal ang kanilang dinanas at bilang indibwal na kaso o aberya. Hindi natatalakay ang mga OFW in distress bilang isang mayor na penomenon at problema ng bansa kaugnay ng labor export policy, lalo ang pananagutan dito ng gobyerno. Noong 2010, humantong na sa hunger strike ang mga OFW sa Saudi Arabia at sa Jordan para lamang mapansin at mapauwi. Lehitimong kuwestiyon na ang pagiging inutil ng Overseas Workers Welfare Administration at mga embahada at konsulado sa ibayong-dagat sa usapin ng pagkalinga sa mga OFW, na umaabot ng ilang buwan o taon sa mga kulungan o welfare center bago ma-repatriate.

Ngunit binawasan pa ni Pangulong Aquino nang kalahati ang badyet para sa mga OFW, at wala, maliban sa mga grupong migrante ang naningil kaugnay nito. Kinampanya ng Migrante International na mapauwi ang mga OFW in distress sa kanilang mga pamilya bago mag-Pasko. Sila ang totoong SMP (Samahang Malamig ang Pasko), pero tila mas naging abala pa ang midya sa pagbubusisi sa love life ng pangulo.