Video: Palparan sinampahan ng kasong kriminal ng mga ina nina Karen, Sherlyn

Patuloy ang paghahanap kina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan ng mga ina at tagasuporta nila. Tuloy din ang paghangad nila ng hustisya. Matapang na sinampahan nila ang itinuturong salarin sa pagdukot, tortyur at panggagahasa kina Sherlyn at Karen: si Ret. Gen. Jovito Palparan Jr.

Kasama ang mga abogadong sumusuporta kina Erlinda Cadapan (pangatlo mula kaliwa) at Concepcion Empeno (panglima), personal na iniabot nila kay Justice Sec. Leila de Lima ang kasong kriminal laban kay Ret. Gen. Jovito Palparan Jr. (KR Guda)
Kasama ang mga abogadong sumusuporta kina Erlinda Cadapan (pangatlo mula kaliwa) at Concepcion Empeno (pang-apat), personal na iniabot nila kay Justice Sec. Leila de Lima ang kasong kriminal laban kay Ret. Gen. Jovito Palparan Jr. (KR Guda)

Sumugod sa tanggapan ng Department of Justice sa Padre Faura, Manila ang mga ina ng dalawang nawawalang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan para magsampa ng kasong kriminal laban kay Ret. Gen. Jovito Palparan Jr., na anila’y direktang responsable sa pagdukot at pagmamalupit sa dalawa noong Hunyo 26, 2006.

Personal na tinanggap ni DOJ Sec. Leila de Lima ang isinampang kaso ng dalawa, na kasama ng kanilang mga abogado at tagasuporta mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights), Desaparecidos at UP Kilos Na Para sa Hustisya.

Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Palparan ang panggagahasa, arbitrary detention, serious physical injuries, maltreatment of prisoners, grave threats, at grave coercion.

Ayon sa NUPL, malakas ang ebidensiya laban kay Palparan dahil sa kapani-paniwalang testimonya ng mga saksi, kabilang si Raymond Manalo, na kasama ng kanyang kapatid na naging desaparecido rin at ikinulong sa parehong kampo na pinagtaguan nina Karen at Sherlyn. Nasaksihan diumano ni Manalo ang pagpapahirap sa dalawang kababaihan, bago siya nakatakas.

Ikinuwento nina Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn, at Concepcion Empeno, ina ni Karen, ang hirap na dinanas nila sa paghahanap sa kanilang mga anak. Ginalugad umano nila ang mga kampo ng pulisya at militar sa Bulacan, Bataan at iba pang probinsiya. Nakarating naman si Concepcion sa Europa para ibahagi sa mga tao roon ang kaso ng kanyang anak at humiling ng suporta sa kampanya para sa paghahanap sa dalawa at sa iba pang desaparecidos.

Noong Hulyo 2006, nagsampa ng petisyon para sa writ of habeas corpus sina Erlinda at Concpecion sa Korte Suprema. Noong 2007, nagsampa rin sila ng petisyon para sa writ of amparo. Naglabas ng writ of amparo ang Korte Suprema.

“Wala kaming bato na hindi bubungkalin para malaman lamang ang katotohanan hinggil sa mga mahal namin sa buhay,” sabi ni Ghay Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos.

Sinabi naman ng Karapatan na bahagi ang pagsampa ng naturang kaso laban kay Palparan ng mga hakbang ng mga kaanak at grupong pangkarapatang pantao na panagutin ang mga lumabag sa karapatan ng mga mamamayan, noong panahon ni Pangulong Arroyo at kahit sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“Nadidismaya kami sa kawalang-aksiyon ng kasalukuyang administrasyong Aquino na usigin ang mga maysala ng malubhang mga paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Arroyo na kaming mga biktima at kaanak ay nagdesisyon nang umaksiyon laban sa mga kilalang maysala, nang makamit na rin ang hustisya at matigil ang kawalang-pananagutan (impunity),” pahayag ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.

Maaaring i-download ang complaint affidavit laban kay Gen. Palparan dito.