Muling pagbuhay sa kaso ng Southern Tagalog 72, kinondena ng Karapatan


Kinondena ng Karapatan-Timog Katagalugan ang muling pagbuhay at pagsampa ng kaso laban sa tinaguriang Southern Tagalog 72 (ST 72).

Lima sa tinaguriang Southern Tagalog 72, sa loob ng piitan sa Mindoro Oriental noong 2008. (Jeffrey Ocampo/PW File Photo)
Lima sa tinaguriang Southern Tagalog 72, sa loob ng piitan sa Mindoro Oriental noong 2008. (Jeffrey Ocampo/PW File Photo)

Kinondena ng Karapatan-Timog Katagalugan ang muling pagbuhay at pagsampa ng kaso laban sa tinaguriang Southern Tagalog 72 (ST 72).

Binubuo ang ST 72 ng mga lider ng legal na mga organisasyon at aktibista sa rehiyon ng Timog Katagalugan.

Ayon sa grupo, kinasuhan umano ang ST 72 ng maramihang pagpatay noong Oktubre 2008 at bigong pagpatay dahil sa umano’y isang ambus noong 2006 sa probinsiya ng Mindoro Oriental. Ngunit dalawang beses na nadismis ang mga kaso laban sa kanila sa Mindoro at Rizal.

Sa kabila umano ng pagdismis, muling isinampa ang anila’y gawa-gawang kaso at inindorso sa Regional Prosecutors Office sa San Pablo City Laguna noong Mayo 18, 2011.  Matapos umanong mag-inhibit sa kaso si Fiscal Josephine Olivar, provincial prosecutor sa Mindoro. Idinagdag ng grupo na matapos ang muling pagsampa ng kaso, nagpalabas agad ng subpoena si Deputy Regional Prosecutor Fiscal Elnora Largo Nomorado, na nagpapatawag sa lahat ng akusado na tumugon sa isinampang kaso.

Ayon naman kay Glen Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-ST, hindi wastong magpalabas ng subpoena dahil nakabinbin pa ang motion upang patigilin ang pagdinig (motion to suspend proceedings) na isinampa nila sa Mindoro Regional Court.

“Ang muling pagbuhay sa gawa-gawang mga kaso laban sa aming mga lider ay patunay na ipinagpaptuloy ng administrasyong Aquino ang malagim na paghahari ni Gloria Macapagal- Arroyo sa pamamagitan ng pag-akusa sa ST 72 ng mga krimen kahit walang batayang legal,” ani Malabanan.

Sinabi pa ni Malabanan na ang pagbuhay sa kaso ng ST 72 ay pag-atake sa karapatan ng mga aktibista at kritiko ng gobyerno. Isinisi din ng grupo sa Oplan Bayanihan ang naturang hakbang ng korte.

Idinagdag pa ng Karapatan na nakapagtala sila ng 11 kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Timog Katagalugan, sa loob lamang ng halos isang taong panunungkulan ni Aquino. Bukod pa rito ang pagtaas ng bilang ng mga bilanggong pulitikal na nasa 54 na.

“Sa katotohanang walang naparusahan si Aquino sa libu-libong kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa loob ng administrasyong Arroyo, malinaw na manipestasyon ito na walang intensiyon ang gobyernong Aquino na paunlarin ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.  Hangga’t hindi nakukulong si Arroyo, hindi niya (Aquino) mapapatunayan ang kanyang sensiridad sa pagbibigay-hustisya sa libu-libong biktima ng pampulitikang panunupil,” ani Malabanan.

Nanawagan rin ang grupo sa kagyat na pagbabasura ng kaso laban sa ST 72, at hinamon ang administrasyong Aquino na itigil ang pampulitikang panunupil.