Palaparan todo-tanggi pa rin sa pagkawala nina Karen, Sherlyn

Patuloy na itinatanggi ni retiradong Hen. Jovito Palparan sa pagdinig ng Department of Justice (DOJ) na may kinalaman siya sa sa pagdukot at patuloy na pagkawala nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, at ng magsasakang si Manuel Merino.

Ikulong si Palparan! Ito ang panawagan ng mga kaanak at tagapagtanggol ng karapatang pantao na nagpiket sa harap ng Department of Justice kaalinsabay ng pagdinig ng DOJ sa kaso laban kay retiradong Hen. Jovito Palparan. (Gregorio Dantes Jr.)

Sa kabila ito ng utos ng Korte Suprema sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ilitaw na at palayain ang tatlo. Kinatigan ng korte ang testimonya ni Raymond Manalo na nakasaksi sa pagdukot ng yunit ng Philippine Army na pinamunuan ni Palparan noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan.

Humarap si Palparan sa DOJ pero wala siyang isinumiteng counter-affidavit sa DOJ. Gayunman, sabi ng retiradong heneral sa midya: “Yes, I strongly denying it. What will you admit, kung wala naman.”

Sinabi pa nitong nakakaistorbo daw sa kanya ang isinampang kaso. “Ganyan talaga ang nagseserbisyo, may obstacle. May kalaban ang gobyerno, so ako ang nakaharap sa kalaban,”aniya.

Inamin rin ni Palparan na may binuo sila noong task force sa Bulacan upang diumano’y humarap sa mga rebeldeng NPA.“Pinamumugaran ng NPA (New People’s Army) ang lugar na iyon,”aniya.

Hinarangan ng pulis ang piket ng mga kaanak at tagasuporta nina Karen Empeno, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino, sa harap ng DOJ sa Maynila. (Gregorio Dantes Jr.)
Hinarangan ng pulis ang piket ng mga kaanak at tagasuporta nina Karen Empeno, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino, sa harap ng DOJ sa Maynila. (Gregorio Dantes Jr.)

“Batay sa aming imbestigasyon, sinasabi ng mga tao na mga NPA sila,” sagot niya sa tanong ng mga midya hinggil sa kung ikinokonsidera ng militar na NPA dalawang estudyante, at idinagdag pa nitong gumagamit ng alyas o koda ng NPA ang mga ito.

Bukod sa mga kaanak ng dalawang estudyante, humarap rin sa pagdinig ang tatlong testigo na sina   Manalo, Oscar Leuterio at Wilfredo Ramos.

“Kung tutuusin, kulang pa ang buhay niya sa lahat ng buhay na nawala. Kulang pa nga na makulong siya. Pero kapag nakulong si Palparan, kahit paano’y makakatikim ng hustisya sina Karen, Sherlyn, Tatay Manuel Merino at lahat ng mga biktima,”ani Manalo, na detenidong nakatakas sa kampo ng mga militar kung saan ikinulong at pinahirapan ang dalawang estudyante.

Inatasan ng panel ng DOJ si Palparan at iba pang akusado na isumite ang kanilang counter-affidavit sa Hulyo 19.