Gobyernong PH ‘sunud-sunuran’ sa US | Ang kaso ng pagpatay kay Col. James Rowe
Gusto mong malaman kung gaano katindi ang pagiging sunud-sunuran ng gobyerno ng Pilipinas sa Estados Unidos? Magandang ehemplo nito, siyempre, ang kaso ng pagpatay ng isang sundalong Amerikano sa isang Pilipinong transgender na si Jennifer Laude. Pero magandang halimbawa rin ang isang kaso na kabaliktaran ang nangyari: Isang Amerikanong sundalo ang pinatay ng isang Pilipino, […]

Gusto mong malaman kung gaano katindi ang pagiging sunud-sunuran ng gobyerno ng Pilipinas sa Estados Unidos?
Magandang ehemplo nito, siyempre, ang kaso ng pagpatay ng isang sundalong Amerikano sa isang Pilipinong transgender na si Jennifer Laude. Pero magandang halimbawa rin ang isang kaso na kabaliktaran ang nangyari: Isang Amerikanong sundalo ang pinatay ng isang Pilipino, dito sa Pilipinas.
Tinutukoy ko ang kaso ng pagpatay ng pinaghihinalaang mga miyembro ng Alex Boncayao Brigade (na noo’y bahagi pa ng New People’s Army o NPA) kay Col. James Nicholas “Nick” Rowe noong 1989.
Itinuturing na war hero ng US Armed Forces si Col. Rowe. Beterano siya ng Vietnam War, at limang taon na naging prisoner of war sa kamay ng mga gerilyang Vietcong na nilalabanan ang okupasyon ng militar ng US sa South Vietnam. Isa siya sa iilang sundalong Amerikano na nakatakas diumano mula sa pagkabihag. Naging inspirasyon ang kanyang istorya ng maraming pelikulang Hollywood noon.
Nadestino sa Pilipinas noong 1987 si Rowe. Tumayo siya bilang hepe ng Army Division at Deputy Commander ng Joint United States Military Advisory Group (Jusmag), na nagsasanay sa AFP para sa counter-insurgency operations nito. Alas-siyete ng umaga noong Abril 21, 1989, sa kanto ng Tomas Morato at Timog Avenues, habang minamaneho siya ng isang Pilipinong drayber patungong Jusmag Compound sa Kampo Aguinaldo, tinambangan si Rowe ng mga armado. Ayon sa mga ulat, bullet-proof ang sasakyan ni Rowe. Pero inilusot ng mga armado ang bala sa maliit na siwang sa pagitan ng window frame at body side moulding ng sasakyan. Tinamaan ang koronel at agad na namatay. Natamaan din ang drayber pero hindi nasawi.
Malaking dagok ang pagpatay kay Rowe sa operasyong militar ng US sa Pilipinas. Bukod sa war hero, susing eksperto si Rowe sa counter-insurgency operations ng US Armed Forces. Siya diumano ang pangunahing nagbuo ng taktikang Survival, Evasion, Resistance and Escape (SERE), na isang programa sa pagsasanay ng mga opisyal ng US military para makaiwas sa pagkakabihag ng kanilang mga kaaway.
Matindi ang presyur ng gobyernong US sa AFP at pulisya, at sa mismong gobyerno ni Corazon Aquino, para mahuli ang pumatay kay Rowe. Hunyo 1989 nang hulihin ng mga pulis si Juanito Itaas at Donato Continente bilang suspek sa pagpaslang kay Rowe.

Ano ang pagkakaiba sa paghawak ng gobyernong Aquino I at II sa suspek na sina Itaas at Continente (sa pagpaslang kay Rowe) at US Marine PFC Joseph Scott Pemberton (sa pagpaslang kay Laude)?
Alam naman natin kung nasaan ngayon si Pemberton (nasa kustodiya ng US sa Jusmag Compound). Samantala, matindi ang dinanas na tortyur nina Itaas at Continente sa kamay ng mga awtoridad ng pulis. Ayon sa dalawa, napuwersa silang aminin ang pagpatay kay Rowe. Pinatotoo ng maraming grupong pangkarapatang pantao ang tortyur. Si Itaas, inaming miyembro siya noon ng ABB. Pero si Continente, hanggang nang lumaya siya matapos ang 14 taon ng pagkakakulong, ay sinasabing organisador lang siya ng Kadena, isang grupo ng kabataang maralita, habang nakaempleyo rin bilang istap ng pahayagang Philippine Collegian sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
Batay sa puwersahang pag-amin ng dalawa, hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ng korte sina Itaas at Continente.
Sa kabila ng pag-apela ng iba’t ibang human rights groups para mapalaya ang dalawa, matindi ang presyur ng gobyernong US sa administrasyon nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo para patuloy na ikulong ang dalawa. Nang repasuhin ng Korte Suprema ang desisyon noong 2001, pinababa nito ang sentensiya ni Continente dahil hindi naman umano napatunayang isa siya sa mga bumaril kay Rowe (accomplice lang umano siya). Kung kaya, matapos ang 14 taong sentensiya, noong Hunyo 2005, pinalaya rin si Continente mula sa New Bilibid Prisons. Samantala, patuloy ang pagkakakulong kay Itaas, na nagsasabing inosente siya sa pagpaslang kay Rowe bagamat inamin niyang naging miyembro siya ng ABB. Sa isang sulat nitong Abril 2014, umapela pa si Itaas sa bumibisitang US Pres. Barack Obama para palayain siya.
Malinaw sa paraan ng paghawak ng gobyerno sa kaso nina Continente at Itaas na sa tulak ng gobyernong US, kaya ng gobyerno ng Pilipinas na labagin ang sariling mga batas, tulad ng paglabag nito sa mga karapatan ng dalawa. Sa kabila ng pag-amin ng New People’s Army na ito ang “nagparusa” kay Rowe noong 1989, hinuli ng gobyerno ng Pilipinas sina Continente at Itaas, pinasailalim sa matinding tortyur, pilit na pinaamin at binulok sa kulungan.
Samantala, sinong sundalong Amerikano ang tumagal sa kulungan sa kabila ng mga krimen na inakusa sa kanila? Si Lance Corp. Daniel Smith, ilang araw lang nakulong sa Makati City Jail bago itinakas ng gobyernong US at Department of Justice ng Pilipinas patungong US embassy noong 2006.
May isa pang punto na dapat mabigyan-diin sa dalawang kaso. Sibilyan si Laude. Anuman ang sirkumstansiya ng pagsama niya kay Pemberton, hindi siya sangkot sa digmaan, laban sa US man o sa AFP. Samantala, si Rowe ay isang lehitimong military target (sang-ayon sa pakahulugan nito sa Geneva Conventions). Isa siyang susing military adviser ng AFP sa giyerang kontra-insurhensiya nito sa NPA at sa lahat ng itinuturing nitong simpatetiko sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Ilang sibilyan kaya ang nabiktima ng mga operasyong kontra-insurhensiya na itinulak noon ni Rowe? Nadestino sa Pilipinas ang naturang Amerikanong opisyal noong panahong sunud-sunod din noon ang pagpaslang sa mga lider-progresibo: ang lider-obrero na si Rolando Olalia noong Nobyembre 13, 1986 at ang karismatikong lider ng Bayan na si Lean Alejandro noong Setyembre 19, 1987. Tiyak, pamilyar si Rowe at mga kasamahan niya sa Jusmag at AFP sa programang Phoenix noong Vietnam War, na serye ng mga operasyon ng US Armed Forces at Central Intelligence Agency para targetin ang “political infrastructure” ng Vietcong–kasama ang mga sibilyang lider-Biyetnames na tutol sa pananakop ng US sa South Vietnam.
Noon hanggang ngayon, nakapadron ang mga taktika ng AFP sa Counter-Insurgency Guide ng US Armed Forces. Nakadisenyo ang relasyon ng militar ng US at Pilipinas para maging palaasa ang huli sa ayuda ng nauna, sa pagsasanay-militar at kagamitan (karamiha’y mga kagamitang tinapon na ng US Armed Forces). Sa larangan ng ekonomiya at pulitika, siyempre, ganito rin ang relasyon ng dalawang bansa.
Kaya di nakapagtataka, at inaasahan na, ang pangangandarapa ng AFP at gobyernong Aquino sa pagsunod sa Estados Unidos–kahit pa kapwa mga Pilipino ang napapahamak.