#SaveMaryJane | Suporta kay Mary Jane Veloso, dumarami
Patuloy na umaani ng suporta si Mary Jane Veloso, ang overseas Filipino workers (OFWs) na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia, mula sa iba’t ibang sektor sa loob at labas ng bansa. Isang solidarity lunch kamakailan ang idinaos ng mga kapamilya ng mga kapwa OFWs para kay Veloso. Ayon sa Migrante International, na siyang nag-organisa ng […]

Patuloy na umaani ng suporta si Mary Jane Veloso, ang overseas Filipino workers (OFWs) na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia, mula sa iba’t ibang sektor sa loob at labas ng bansa.
Isang solidarity lunch kamakailan ang idinaos ng mga kapamilya ng mga kapwa OFWs para kay Veloso. Ayon sa Migrante International, na siyang nag-organisa ng pagtitipon, layunin nitong pagkaisahin ang kaanak ng OFWs para bigyang suporta si Veloso.
“Dalawang linggo ang nakalipas nang mabalitaan ko ang nangyari kay Mary Jane mula sa mga balita at mismo sa Migrante. Hindi ako nagdalawang-isip na puntahan sila ngayon dahil alam na alam ko ang pakiramdam ng kapamilya lalo pa’t naranasan ko din ito,” sabi ni Russel Almares, anak ng nasawing OFW na si Flor Contemplacion.
Ginunita noong Marso 17 ang ika-20 taon ng pagbitay ng gobyernong Singaporean kay Contemplacion.
Sinabi ni Almares na buhay pa rin sa kanyang isip ang krisis na dinaanan ng kanyang pamilya dalawang dekada na ang nakararaan. Pinayuhan niya ang kaanak ni Veloso na huwag mawalan ng pag-asa.
“Lumalakas ang aming loob dahil sa suporta na ibinibgay sa amin ng Migrante at ng mga abogado,” sabi ni Christopher Veloso, nakakatandang kapatid ni Veloso.
Sinabi pa ni Christopher na kahit na mahirap ang kanilang buhay sa Nueva Ecija, nakasisiguro siyang di gagawa ng ilegal na bagay ang kanyang kapatid, katulad ng ibinibintang sa kanya sa Indonesa na sadyang nagdala umano ng drogang heroin sa naturang bansa.
“Sigurado kami na di gagawin ng bunso kong kapatid ang ilegal na bagay na makakasira sa buhay at pangarap namin para sa kanyang mga anak na sina Bart Daniel (12-anyos) at Mart Daren (6),” sabi pa ni Christopher.
Nakiisa rin sa pagtitipon si Felicia Dian Ravenska, isang Indonesian at koordineytor ng International Movement of Catholic Student in Asia Pacific na nakabase sa Pilipinas.
Suportang legal
Tumungo sa Jakarta, Indonesia ang mga abogadong Pilipino na sina Edre Olalia at Minnie Lopez para direktang magbigay ng tulong-legal kay Veloso. Sinabi ni Olalia na may sapat na legal na batayan para manawagang magdesisyon ang gobyernong Indones na itigil ang pagbitay sa Pilipina.
Kasamang pumunta sa Indonesia ang ama ni Veloso na ci Cesar Veloso.
“Malakas ang opinyon namin na may tatlong dahilan kung bakit dapat matigil o kaya mapigilan ang pagbitay kay Mary Jane: pinagkait sa kanya ang batayang mga karapatan niya sa due process, masyadong malupit ang parusa dahil sa di-tiyak na partisipasyon niya sa krimen at, pinakamahalaga, may mga konsiderasyong makatao na dapat isaalang-alang sa pagpigil sa pagbitay sa kanya sa pamamagitan ng firing squad,” sabi ni Olalia.
Sinabi pa ni Olalia na nagpabaya ang administrasyong Aquino sa kaso ni Veloso kaya umabot sa puntong ito.
Dumulog sa UN, Asean
Samantala, sumulat ang grupong pangkarapatang pantao na Karapatan sa United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights para humingi ng tulong sa kaso ni Veloso.
Sa nasabing sulat, sinabi ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na nalabag ang ilang karapatang pantao ni Veloso at naging hadlang ito sa pagdedepensa niya sa sarili niya sa harap ng Indones na mga korte.
“Hindi nabigyan ng abogado o tagasalin ng embahada ng Pilipinas si Mary Jane matapos siya arestuhin noong 2010. Noong pagdinig ng korte, ang binigay ng korte na tagasalin ay di lisensiyadong tagasalin ng Association of Indonesian Translators. Ang abogado niya sa panahon ng pagdinig ay isang pampublikong manananggol na inatasan ng Indones na pulis,” ayon sa sulat ni Palabay kay Joachim Rucker, presidente ng UN Human Rights Council.
Nagsumite naman ng bukas na liham sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) ang mga Pilipinong delegado ng Asean People’s Summit, na nagaganap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Paano natin pasisiglahin ang rehiyon mula sa kabuktutan ng kawalang hustisya, korupsiyon, pang-aabuso sa karapatang pantao at kahirapan kung ang mismong mga tao na sinasabi nating pinaglilingkuran at pinoprotektahan natin tulad ni Veloso ay di nabibigyan ng malakas na suporta ng mga Pinuno ng Estado (ng Asean)?” ayon sa liham.
Nagpatuloy din ang iba’t ibang aksiyong protesta, vigil, at mga pahayag ng suporta mula sa iba’t ibang organisasyon sa Pilipinas at maging sa ibang bansa para sa pagsalba sa buhay ni Veloso.
Maliban kay Veloso, ikinakampanya rin ng Migrante International ang 125 iba pang OFWs na nasa death row. Kalakhan sa kanila’y mula sa Saudi Arabia.



