Pagpapalaya kay Judilyn, sanggol hinaharang


Noong komisyoner ng CHR si Leila de Lima, nasaksihan niya ang mga testamento ng paglabag sa karapatan ng Morong 43. Ngayong sekretaryo na ng DOJ, inutusan niya ang isang tagausig na huwag nang tutulan ang mosyon sa korte na mapalaya sa isa sa detinidong health workers at kanyang bagong panganak na sanggol. Pero tutol ang tagausig.

Diyalogo ni DOJ Sec. Leila de Lima at mga abogado, kaanak at mga tagasuporta ng Morong 43. (Macky Macaspac)
Diyalogo ni DOJ Sec. Leila de Lima (kanan) at mga abogado, kaanak at mga tagasuporta ng Morong 43. (Macky Macaspac)

Inutusan na ni Sek. Leila de Lima ng Department of Justice (DOJ) ang tagausig na huwag tutulan ang hiling sa korte ni Judilyn Oliveros, isa sa tinaguriang “Morong 43”, na magsama sila ng kapapanganak pa lamang niyang sanggol na lalaki.

Pero mahimalang tila pumapalag si State Prosecutor  II Romeo Senson. Ayaw niyang sundin ang utos ni De Lima. Tanong tuloy ng mga kaanak at abogado ni Judilyn at ng Morong 43, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nga ba talaga ang mas makapangyarihang puwersa kaysa sa sibilyan na gobyerno?

Duda kay Senson

Nakipagpulong kamakailan ang mga kaanak at mga abogado ng Morong 43 kay De Lima.Sa pulong na ito, sinuportahan diumano ni De Lima ng ang posisyong hindi dapat paghiwalayin ang mag-ina.

Inatasan ni De Lima si Prosecutor General Claro Arellano na makipag-usap kay Senson upang iatras ang opposition. Ngunit sa hiwalay na pakikipag-usap ng mga abogado kay Arellano, sinabi ng huli na ayaw iatras ni Senson ang kanyang opposition dahil ang kaso ng Morong 43 ay non-bailable tulad ng illegal possession of firearms and explosives.

Nauna nang sinalubong ng vehement opposition ni Senson ang ang isinampa ng mga abogado ni Oliveros na motion for release on humanitarian grounds. Sabi ni Senson, “non-bailable” (di-maaaring magpiyansa) daw kasi ang kaso ni Oliveros at ng Morong 43 kaya hindi niya puwedeng sundin ang sinasabi ni De Lima.

Dismayado si De Lima. Lalong hindi siya sang-ayon sa mga terminong ginamit ni Senson sa kanyang opposition. “I am not also comfortable about it.  Why would he use the term vehement?” sabi umano ni De Lima. Iminungkahi umano ni De Lima kay Arellano na “palitan na lang natin siya.”

Piket ng mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43 sa harap ng Department of Justice. (Macky Macaspac)
Piket ng mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43 sa harap ng Department of Justice. (Macky Macaspac)

Dati nang nagkabanggaan si Senson at De Lima sa usapin ng Morong 43. Noong komisyoner siya ng Commission on Human Rights (CHR), inimbestigahan ng ahensiya ang mga paglabag sa karapatan ng Morong 43 noong inaresto sila sa isang pribadong resort sa Morong, Rizal noong Pebrero 2010 habang nagsasagawa ng pagsasanay-medikal.

“Ilang araw matapos arestuhin ang 43 health workers, si Senson ang nagkondukta ng inquest proceedings na walang abogado ang mga akusado,” paliwanag ni Atty. Romeo Capulong, pangunahing abogado ng Morong 43. Simula’t sapul, inirereklamo na umano nila si Senson dahil tila sunud-sunurin sa gusto ng mga militar. Ginawa umano siyang kasangkapan ng militar para lalong labagin ang karapatan ng 43 detinidong manggagawang pangkalusugan.

Nang imbestigahan ng CHR si Senson, nagsampa siya ng injunction order laban sa CHR sa Court of Appeals.