Istorya ng Linggo

Morong 43, posibleng makalaya ‘anumang araw ngayong linggo’


Malaki ang pag-asang mapapalaya na ang detinidong 43 manggagawang pangkalusugan “anumang araw ngayong linggo.” Ito ang pahayag ni Atty. Julius Matibag, isa sa mga abogado ng tinaguriang “Morong 43,” matapos ang pagdinig ng Morong RTC sa mosyon ng mga tagausig ng Department of Justice (DOJ) para iatras ang kaso laban sa 43.

Ang Morong 43, noong Abril 2010, sa Morong RTC. (Kontribusyon / PW File Photo)
Ang Morong 43, noong Abril 2010, sa Morong RTC. (Kontribusyon / PW File Photo)

Malaki ang pag-asang mapapalaya na ang detinidong 43 manggagawang pangkalusugan “anumang araw ngayong linggo.”

Ito ang pahayag ni Atty. Julius Matibag, isa sa mga abogado ng tinaguriang “Morong 43,” matapos ang pagdinig ng Morong RTC sa mosyon ng mga tagausig ng Department of Justice (DOJ) para iatras ang kaso laban sa 43.

Ayon sa clerk of court, nangako si Judge Gina Cenit Escoto ng Morong RTC na mabilis (“expeditiously”) niyang aaksiyunan ang mosyon.

We join the DOJ prosecutors’ withdrawing of (charges against the Morong 43). We moved that the court should grant immediately the withdrawal of the criminal charges against our client,” ani Matibag.

Noong Lunes isinumite ng mga tagausig ng DOJ ang naturang mosyon para iatras ang kaso, matapos ideklara ni Pangulong Benigno Aquino III noong Disyembre 10, pandaigdigang araw ng karapatang pantao, na pinaaatras na niya ang kaso laban sa 43.

Nagpiket ang mga kaanak ng mga manggagawang pangkalusugan sa harap ng Morong RTC para muling igiit ang pagpapalaya sa kanilang mga mahal sa buhay, na mahigit 10 buwan na ngayong nakapiit.

“Masaya kami dahil lalaya na sila. Sana hindi na magbago ang resolusyon ng judge,” sabi ni Lucresia Quinawayan, ina ni Teresa Quinawayan na isa sa Morong 43.

Sinabi naman ni Ofel Beltran na makakapaghintay sila ng pagpapalaya, bukas man o sa loob ng linggong ito. “Nakapaghintay nga kami ng 10 buwan, ilang araw pa kaya ang di namin mahintay,” aniya.

“Sa ngalan ng mga kaanak, nagpapasalamat kami at nagagalak, dahil ilang araw na lang makakasama na namin ang Morong 43,” sabi naman ni Jigs Clamor, asawa ng isa sa 43 na si Dr. Merry Mia Clamor at tumatayong pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sinabi pa ni Clamor na malugod nilang tinatanggap ang naganap na pagdinig sa korte, dahil sa unang pagkakatao’y nagkasama ang magkabilang panig para sa joint motion para iatras ang kaso.

“Dapat ngayon na (sila lumaya). Wala nang damit si papa dun (sa kulungan). Inuwi na namin,” komento sa Facebook status ng Pinoy Weekly ni Allyn Montes, anak ni Dr. Alexis Montes na isa sa Morong 43.

Nagsumite ng “protestation” sa korte ang Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD) Party-List, isang anti-komunista at maka-militar na partido, para harangin ang pagpapalaya sa Morong 43. Pero sinabi ni Matibag na “it’s just a scrap of paper” (“papel lang ito”) at hindi papansinin ng judge.