Bayaning makakalikasan bibigyan ng parangal
Inilunsad ng mga grupong makakalikasan ang ikalawang Gawad Kalikasan, isang okasyon ng pagkilala sa pitong mga bayaning Pilipino ng kalikasan. Sila ang mga indibidwal, organisasyon o komunidad na walang pag-iimbot sa pangunguna o pangunahan ang mahahalagang pakikibaka para sa kalikasan at para sa proteksiyon ng mga batayang karapatan. Pangunahing inorganisa ng Center for Environmental Concerns […]

Inilunsad ng mga grupong makakalikasan ang ikalawang Gawad Kalikasan, isang okasyon ng pagkilala sa pitong mga bayaning Pilipino ng kalikasan. Sila ang mga indibidwal, organisasyon o komunidad na walang pag-iimbot sa pangunguna o pangunahan ang mahahalagang pakikibaka para sa kalikasan at para sa proteksiyon ng mga batayang karapatan.
Pangunahing inorganisa ng Center for Environmental Concerns (CEC) sa pakikipagtulungan ng Gawad Bayani ng Kalikasan Awards Committee, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Foundation for the Philippine Environment, Agham-Advocates of Science and Technology for the People, Haribon Foundation, Ecowaste Coalition, Panalipdan Mindanao at Central Visayas Fisherfolk Development Center Inc.
Inilunsad ang unang GBK noong 2009 na nagbigay parangal sa yumaong si Eliezer “Boy” Billanes, isang aktibistang kontra sa pagmimina. Pinarangalan siya bilang Most Distinguished Awardee. Pinarangalan din sina Datu Guibang Apoga, isang lider ng tribung Ata-Manobo; Manny Calonzo ng Ecowaste Coalition; at si Margarita dela Torre-dela Cruz; dekano ng University of the Philippines-Tacloban.
Nagwagi naman ang Cordillera Peoples Alliance o CPA, Central Visasyas Fisherfolk Development Center Incorporated o Fidec at ang Seamancor Eco-Developers Incorporated ng Sorsogon, bilang mga GBK for Organization.
Ang Gawad Kalikasan 2011 (GBK 2011), ay bukas sa lahat ng mga indibidwal na Pilipino, organisasyon at institusyong nagpakita ng pambihirang abilidad at lakas upang itaguyod ang kapakanan ng kalikasan at kagalingan ng mga mamamayan. Maaari itong sa porma ng adbokasiya, kampanya, edukasyon, pananaliksik, teknolohiya, pagpapaunlad, serbisyo sa komunidad, midya o sa gawaing kultural.
Bukas ang nominasyon para sa GBK 2011 hanggang sa Hulyo 15, 2011 ng hatinggabi. Mayroong pitong paggawad na nakataya para sa GBK (tatlong paggawad para sa indibidwal at organisasyon at isa para sa natatanging gawad), ang mga ito ay pipiliin ng isang independyienteng Board of Judges. Maaaring i-download ang gabay at rekisitos para sa nominasyon sa website ng CEC.
Ang mga karangalang igagawan ay:
Most Distinguished Awards: ibibigay sa indibidwal o organisasyon bilang pagkilala sa kanya o kanilang pagiging inspirasyon at ehemplo sa mga mamamayang Pilipino sa pagbibigay ng panahon at galing sa pagdepensa sa kalikasan at pagsulong ng kalagalingan ng mga mamamayan.
Individual Awards: ibibigay sa mga indibidwal na nagpakita ng natatanging abilidad at lakas sa pagtaguyod ng kalikasan at kagalingan ng mga mamamayan sa porma ng adbokasiya, kampanya, edukasyon, pananaliksik, teknolohiya, pagpapaunlad, serbisyo sa komunidad, midya o sa gawaing kultural.
Organizational Awards: ibibigay sa mga organisasyon ng mga mamamayan, organisasyon sa komunidad at instistusyon na nagpakita ng pagtataguyod sa kalagalingan ng mga mamamayan at sa kalikasan, sa pamamagitan ng bukod tanging aksiyon at adbokasiya, kampanya, edukasyon, pananaliksik, serbisyong pangkomunidad, midya o gawaing kultural.