Pagdinig sa kaso vs Palparan sa DOJ tapos na; dating heneral, iginiit na wala siyang kasalanan
Galit at emosyonal ang mga kaanak ng mga biktima sa huling pagdinig sa kasong pagdukot kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno. At bakit naman hindi; patuloy pa ring itinatanggi ng itinuturong mga salarin, pangunahin na si Jovito Palparan, na may kinalaman sila rito, sa kabila ng mga testimonya.

Naging emosyonal ang kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala sa huling pagdinig sa kasong kriminal na isinampa sa Department of Justice (DOJ) laban kay retiradong heneral Jovito Palparan at iba pang mga kasapi ng militar.

Halos mapaiyak si Erlinda, ina ng nawawalang aktibistang si Sherlyn Cadapan. Nagawa pa niyang sigawan ang akusadong mga militar: “Sinungaling kayo! Ibalik ninyo ang aking anak!” Kasabay nito, iniladlad ng mga tagasuporta at ibang kaanak ng mga biktima ng papel na may nakasulat na “GUILTY” at “Palparan Berdugo.”
Ganapan ito sa huling clarificatory hearing na ipinatawag ng DOJ Panel na binubuo nina Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Irwin Maraya at Assistant Prosecuting Atty. Ethel Real Suril.
Sa naturang hearing, tinanong muli ang mga testigo at ang limang pangunahing akusado kung may kinalaman sila sa pagdukot sa dapawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na sina Sherlyn at Karen Empeno, na sapilitang dinukot noong Hunyo 2006.

Kabilang sa mga akusado sina Palparan, Lt. Col. Rogelio Boac, commanding officer ng 56th Infantry Battalion (IB); Lt. Col. Felipe Anotado, commanding officer ng 24th IB; 2nd Lt. Francis Mirabelle Samson ng 7th Infantry Division at M/Sgt. Rizal Hilario ng 24th IB.
Pinanindigan ng mga testigo ang kanilang mga naunang salaysay at sinabing mga militar ang dumukot kina Sherlyn at Karen.
Pinabulaanan naman ito ng mga akusado na nagsabing wala silang alam sa insidente ng pagkawala ng dalawang estudyante at ni Manuel Merino na isang magsasaka. Katwiran ni Boac, nalaman nila ang insidente nang magtanong sa kanila ang ilang kagawad ng midya hinggil sa insidente. Tinanong umano ni Boac ang kanyang mga field commander at pinabulaanang may naganap na pagdukot. Sa pagtatanong ng DOJ panel, inamin ni Boac na siya ang direktang may hawak sa Task Force Malolos noong 2006.
Sa panayam ng midya kay Palparan matapos ang pagdinig, muli niyang iginiit na wala silang kasalanan sa pagdukot at pagkawala ng mga biktima. “Confident kami na hindi kami guilty. Pero ’yung mapawalang-sala ng panel, hindi ko masasabi,” aniya.
Sinabi rin ni Palparan na muli siyang lalahok sa eleksiyon sa 2013 at ipagpapatuloy umano ang pagsugpo sa mga rebelde na tinagurian niyang terorista.
“Kasi sa Congress, marami po tayong magagawa para sa ating constituents. At sa laban namin noon at ngayon, ipagpapatuloy ko ang laban sa teroristang CPP-NPA -NDF na nandiyan pa rin at lumalago pa ang kanilang organisasyon.”

“Kelangan po natin supilin ito. Kapag tayo ay nasa Kongreso, marami po tayong magagawa na harangin ang kanilang balak na agawin ang kapangyarihan sa gobyerno. ’Yan po ang kanilang pinaka-adhikain.” ani Palparan.
Sa panig naman ng mga biktima, kumpiyansa ang abogadong si Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers o NUPL na sapat at pinatibay pa ang mga ebidensiya laban kay Palparan at iba pang akusado nang huling pagdinig.
Ayon kay Olalia, may mga pag-amin ang mga akusado batay sa isinagawang clarificatory hearing. “On the part of the respondents, may admissions na consistent with our allegations,” ani Olalia. Sinabi pa ni Olalia na batay sa itinakbo ng pagdinig, hindi maaring walang kinalaman si Palparan sa insidente.
“He admitted that there are safehouses, that he has direct orders occasionally, that the areas where Manalo and those two students as well as Leuterio, Ramos and Ramirez were all under their operational command 7th ID, “ ani Olalia.
Ipinunto ni Olalia na mula sa pinakamataas na military command hanggang sa pinakamababa, alam umano ang insidente.
“Ang sinasabi nga namin, it’s conspiracy. Hindi naman puwedeng gagalaw ang mga nasa ibaba na hindi alam ng mga nasa itaas,” giit ni Olalia. Dagdag pa ni Olalia, “besides we have eye witnessess, Manalo spoke to Palparan twice, Leuterio spoked to Palparan at least once.”
Inaasahan na matatapos ang lahat ng mga dokumento ng pagdinig at makakapagpalabas ng resolusyon sa nabanggit na kaso bago matapos ang buwan ng Oktubre.