Matapos isang taon, pumaslang kina Leonard Co, dalawang kasamahan di pa napaparusahan

November 16, 2011

Piket ng mga kaanak at tagasuporta nina Leonardo Co, sa harap ng tanggapan ng Department of Justice para igiit ang pagpapabilis sa resolusyon ng kaso. Giit nila, mga militar ang bumaril kina Co, at hindi nadamay sa crossfire sa pagitan ng militar at mga rebelde tulad ng sinasabi ng militar. (Macky Macaspac)

Piket ng mga kaanak at tagasuporta nina Leonardo Co, sa harap ng tanggapan ng Department of Justice para igiit ang pagpapabilis sa resolusyon ng kaso. Giit nila, mga militar ang bumaril kina Co, at hindi nadamay sa crossfire sa pagitan ng militar at mga rebelde tulad ng sinasabi ng militar. (Macky Macaspac)

Isang taon na ang nakakalipas mula nang paslangin si Leonard  Co. Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari sa kaso nila.

Ito ang hinanakit ni Glenda Co, asawa ng tanyag na botanist na si Leonard Co, sa piket sa harapan ng Department of Justice (DOJ). Isinagawa ang piket bilang paggunita sa pagpaslang kay Co at dalawa pa niyang kasamahan na sina Julius Borromeo at  Sofronio Cortez, isang taon na ang nakaraan, noong Nobyembre 15, 2010.

Sinabi ni Glenda Co na lubhang napakabagal ng pag-usad ng kaso kahit tapos na ang isinagawang preliminary investigation ng DOJ. “Sana, ilabas na ng mga taga-DOJ ang final recommendation sa kaso. Ang isang taon ay napakatagal para sa hustisyang aming hinihiling,” aniya.

Naninindigan naman ng ama ni Leonard Co na si Co Lian Seng na mga militar ang pumaslang sa kanyang anak. Sinabi niyang hindi na nga maibabalik ang buhay ng kanyang anak, mabagal pa ang pagbibigay ng hustisya.  “Kung matuwid ang gobyerno dapat kumilos, hindi tutulug-tulog,” aniya.

Madamdaming inihayag ni Co Lian Seng, ama ni Leonard Co, ang kanyang hinanakit sa mabagal na pag-usad ng kaso ng pag-paslang kay Co. Nasa Larawan ang asawa ni Leonard na si Glenda. (Macky Macaspac)

Madamdaming inihayag ni Co Lian Seng, ama ni Leonard Co, ang kanyang hinanakit sa mabagal na pag-usad ng kaso ng pag-paslang kay Co. Nasa Larawan ang asawa ni Leonard na si Glenda. (Macky Macaspac)

Kinondena rin ng grupo ang kawalan ng aksiyon ni Pangulong Aquino sa nasabing kaso. “Ang kawalang aksiyon ng gobyernong Aquino ay pagpapatunay na patuloy pa rin ang pamamayani ng culture of impunity mula pa noong nakaraang administrasyon,” ani Dr. Giovanni Tapang, convenor ng Justice for Leoanrd Co.

Ayon pa kay Tapang, nagsagawa ang DOJ ng ocular inspection sa pinangyarihan ng insidente sa Kananga, Leyte noong Hulyo,  kasama sa ocular inspection ang dalawang nakaligtas sa pamamaslang at tumayong mga testigo.

“Bineripika ng dalawang testigo ang kanilang sinumpaang salaysay, at kahit kami ay umakyat sa lugar na kinaroroonan ng mga sundalo,” pahayag ni Tapang. Sinabi ni Tapang na batay sa nasabing ocular inspection, imposible umanong hindi makita ng mga militar ang tatlong biktima.

“Talagang kitang-kita sina Leonard kung saan sila (militar) nakapuwesto,” aniya. Giit ng mga testigo na walang crossfire na nangyari.
Panawagan ni Tapang na dapat ng ilabas ng DOJ ang resolusyon ng kaso. “Matagal nang dapat na ilabas ang resolution pero apat na buwan na mula noong Hulyo, wala pa rin nilalabas, kaya dapat madaliin ng DOJ ang pagpapalabas,” aniya.

Maliban sa hinihintay nilang resolusyon ng DOJ, ipinanawagan din ng grupo na ilabas na din ng Commission on Human Rights o CHR ang kanilang resolusyon sa kaso. “Hindi dapat pinaghihintay ang hustisya,” ani Tapang.

Ang kaso na tinaguriang Kananga 3 ang unang kaso ng pagpaslang sa advocates ng kalikasan sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ang tatlong biktima ay napaslang sa isang diumano’y palitan ng putok sa pagitan ng 19th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines at ng New People’s Army noong nakaraang taon sa Kananga, Leyte.

Ngunit ayon sa dalawang nakaligtas sa pamamaslang, walang crossfire na naganap.