Katarungan para kay Fr. Pops muling iginiit ng mga taga-simbahan
Isang buwan matapos paslangin ang misyonerong pari na si Fr. Fausto “Pops” Tentorio, muling ipinanawagan ng mga alagad ng simbahan sa pangunguna ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) ang katarungan sa pinaslang na pari.

Isang buwan matapos paslangin ang misyonerong pari na si Fr. Fausto “Pops” Tentorio, muling ipinanawagan ng mga alagad ng simbahan sa pangunguna ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) ang katarungan sa pinaslang na pari.
Ayon sa grupo na nagpiket at nakipagdiyalogo sa Department of Justice (DOJ) na mistulang usad pagong ang imbestigasyon ng Task Force Tentorio na binuo matapos ang insidente. Anila, hanggang sa kasalukuya’y wala pang malinaw na suspek sa karumaldumal na pagpaslang sa pari.

Ngunit ayon kay Fr. Joe Dizon ng Pilgrims for Peace, isa sa mga nakipagdiyalogo kay DOJ Undersecretary Francisco Baraan na tinututukan umano ng DOJ ang nasabing kaso at may mga bagong developments sa kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Dizon, isa sa nakikitang motibo sa pagpaslang ang “pagpapatahimik” sa pari dahil sa pagtulong niya sa mga na katutubo at magsasaka. Kasama na rito ang pagkontra niya sa malawakang pagmimina at iba pang adbokasiya para sa mahihirap. Gayundin, sinabi umano ni Baraan na malapit na nilang pangalanan ang suspek sa pagpaslang kay Tentorio.
Iniugnay din ng grupo sa kontra-insurhensiyang programang Oplan Bayanihan ang pagpaslang sa pari. Malinaw umano na ang pagpaslang ay pagpapatuloy lamang nang kaparehong patakaran ng dating administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo.
“Matapos ang isang taon bilang commander in chief, ipinakita na ni Aquino ang pamamayani ng mga militar tulad din ng nakaraang administrasyon: Nakatututok ang baril sa mga taong nagnanais ng tunay na pag-unlad, naggigiit ng kanilang mga karapatan at nananawagan ng tunay na kapayapaan,” ani Nardy Sabino, pangkalahatang kalihim ng PCPR. Aniya pa, “palasak na namamayani ang culture of impunity sa ating bansa.
Dismayado rin ang grupo dahil walang napaparusahan sa mga lumabag sa karapatang pantao, laluna sa panahon ng dating pangulo. Iginiit ni Sabino na hindi dapat magpatumpik-tumpik ang kasalukuyang administrasyon na gampanan ang tungkulin nito at tiyakin na maibigay ang karaingan at hustisya para sa mga tao.
“Samantalang napakailap ng hustisya para sa nakakarami, patuloy naman itong binabaluktot ng iilan. Kaya’t napakahalaga na sa kabila ng pagtatangka ng pamilya Arroyo na takasan ang kanilang pananagutan, dapat mabilis na tiyakin nang sistema ng hustisya ang pagpaparusa sa mga opsiyal na may pananagutan at makatulong sa pag-alis ng culture of impunity,” ani Sabino.