Isang taon matapos paslangin, Gerry Ortega di pa rin nabibigyang hustisya

Wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga kaanak ng pinaslang na mamamhayag at environment advocate na si Dr. Gerry Ortega sa Puerto Princesa, Palawan, isang taon matapos siyang paslangin.

Isang taon, wala pa ring hustisya. (Macky Macaspac)
Mabagal na Hustisya. Isang taon matapos paslangin ang brodkaster at environment advocate na si Dr. Gerry Ortega sa Palawan, hindi pa rin ipinapalabas ng DOJ ang resolusyon hinggil sa kaso nito.  Ayon sa iba't ibang grupo, nasa laya pa rin ang mastermind ng kaso at hindi kinasuhan ng DOJ sa kabila umano ng pagtuturo dito ng mga akusadong nahuli na. (Macky Macaspac)

Kinondena ito ng iba’t ibang grupong pangkarapatang pantao, pangmidya at pangkalikasan, sa isang piket sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ). Nadismaya umano sila sa mabagal na pag-usad ng katarungan para kay Ortega, sa kabila na malakas na ebidensiya laban sa mga akusado.

Isang taon, wala pa ring hustisya. (Macky Macaspac)
Isang taon, wala pa ring hustisya. (Macky Macaspac)

Sa preliminary investigation na isinagawa ng DOJ, isinangkot ng mga akusado ang dating gobernador ng Palawan na si Joel Reyes, ngunit hindi siya inilagay ng DOJ bilang akusado sa kaso. Umapela ang pamilya ni Ortega upang muling imbestigahan ng DOJ ang kaso at mailagay bilang akusado si Reyes.

“Hindi lahat ng kaso (human rights violations) malakas ang ebidensiya, tulad ng kaso laban sa mastermind sa pagpatay kay Ortega. Umaasa kami na ang mga naipakitang ebidensiya ay magpapabilis sa resolusyon ng kaso. Pero ang kabagalan ng pag-usad ng  paglilitis at nagpapakita ng impunity dahil patuloy pa ring nakakalaya ang mga salarin,” ani Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, grupo ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ayon naman sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, dapat pagsikapan ng administrasyong Aquino na mabigyan ng pantay na paglilitis ang kaso ni Ortega, tulad ng prosekusyon sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

“Ipokrito si Pangulong Aquino, dahil sa kabila ng pagtutulak niya na mahatulan si Corona, ang mga korte, partikular na ang DOJ, ay bigong patigilin ang mga pagpaslang sa mga environmentalist sa ilalim ng kanyang pamumuno. Walang kahit isang nahatulan sa mga salarin sa mga pagpaslang na ito,” sabi ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan.

Sinabayan naman ng isang candle lighting protest sa Palawan ang anibersaryo ng pagkakapaslang kay Ortega. Nanawagan si Patty Ortega, asawa ni Gerry Ortega, sa administrasyon na mabigyan ng katarungan ang kanyang asawa.

Inihalintulad din niya ang mabagal pag-usad ng imbestigayson sa nauupos na kandila.

Piket ng mga grupong pangkalikasan at pangkarapatang pantao sa harap ng DOJ. (Macky Macaspac)
Piket ng mga grupong pangkalikasan at pangkarapatang pantao sa harap ng DOJ. (Macky Macaspac)

“Hindi po naging madali ang ating pakikipaglaban. Parang pilit na hinihipan ng hangin, patuloy pa rin tayong nagsisindi at pinapawi ang dilim,” aniya.

Ngunit ayon kay Patty, hindi sila titigil hangga’t hindi nasisilayan ang liwanag ng katarungan.  “Nakita po natin ito sa mga Palawenyo, sa mga Pilipinong patuloy na sumusuporta sa ating panawagan para sa katarungan ng lahat ng mga pinaslang,” aniya.