Konteksto

Eleksiyon at social media


Para sa mga kandidatong may limitadong pondo, malaki ang pasasalamat nila sa social media tulad ng Facebook. Bukod sa libreng paggamit ng mga ito, may paniniwalang malawak na botante ang naaabot sa simpleng paggamit ng Internet para maipaabot ang mensahe sa panahon ng kampanya. Wala namang debate sa puntong libre ang pagkakaroon ng account sa […]

Prop. Danilo A. Arao

Para sa mga kandidatong may limitadong pondo, malaki ang pasasalamat nila sa social media tulad ng Facebook. Bukod sa libreng paggamit ng mga ito, may paniniwalang malawak na botante ang naaabot sa simpleng paggamit ng Internet para maipaabot ang mensahe sa panahon ng kampanya.

Wala namang debate sa puntong libre ang pagkakaroon ng account sa social media. Pero kailangan nating malaman ang datos tungkol sa kasalukuyang naaabot ng Internet. Sa ngayon, ang Internet penetration rate sa Pilipinas ay 32.4 porsiyento lamang, ayon sa website na Internet World Stats (internetworldstats.com). Kung gagamitin ang datos mula sa Commission on Elections (Comelec) noong nakaraang halalan (Mayo 10, 2010), lumalabas na ang bilang ng mga rehistradong botante ay 50.9 milyon (bagama’t ang aktwal na bumoto ay 38.2 milyon o 75 porsiyento ng kabuuan).

Ano ang ibig sabihin ng mga datos na ito? Ang potensiyal na naaabot na mga botante sa pamamagitan ng Internet ay 16.5 milyon. At kung mauulit ang 75 porsiyentong voter turnout tatlong taon na ang nakalipas, 12.4 milyon sa kanila ay baka aktwal na boboto.

Batay sa resulta ng senatorial election noong 2010, kailangan ng mahigit siyam na milyong boto para siguradong makapasok sa tinaguriang Magic 12. Kahit na sabihing marami-raming botante ang naaabot sa pamamagitan ng Internet, hindi dapat na umasa lamang sa Internet ang isang senatorial candidate. Malinaw kasing limitado pa rin ang naaabot nito.

Para naman sa mga lokal na kandidato, malaking bagay ang social media kung mataas ang Internet penetration rate sa nasasakupang lugar, tulad ng kalunsuran. Pero kung ang lugar ay hindi mauunlad na lugar, lalo na ang mga hindi inaabot ng elektrisidad, hindi masyadong kapaki-pakinabang ang pagtutok sa social media.

Kung pag-uusapan ang Facebook na masasabing pinakasikat na social networking site sa buong mundo (batay sa global traffic rank nito sa Alexa [alexa.com]), kailangang maging maingat sa pagsusuri ng datos sa bilang ng Facebook users sa Pilipinas. Madali kasing maengganyo sa katotohanang ang ating bansa ang ikawalong may pinakamaraming gumagamit nito sa buong mundo, ayon sa datos ng Social Bakers (socialbakers.com). Kahit na mahigit 30 milyon ng Facebook users ay nasa Pilipinas, ang isang indibidwal ay posibleng may dalawa o higit pang account. At sa konteksto ng halalan, kailangang tandaang baka menor de edad ang account holder kaya hindi siya makakaboto. Puwede pa ngang idagdag na ang isang Facebook user sa Pilipinas ay baka dayuhan. Marami pang pasubaling pumapasok sa isip, pati na ang posibilidad na patay na ang account holder at hindi na naasikaso ang pagtatanggal sa account niya.

Ang pagkakaroon ng kritikal at praktikal na pagtingin sa social media at Internet ay magbubunga ng iisang disposisyon – hindi dapat kalimutan ang tinaguriang old media. Nananatili pa rin ang impluwensiya’t bentahe ng print, radyo at telebisyon. Para maipalaganap ang mensahe sa publiko, lubhang kailangan ang lahat ng midya at hindi lang dapat umasa sa isa. Sa kaso ng social media, malaking bagay ang pagiging viral ng isang impormasyon para lumaganap. Kung marami kasing social media user ang nagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan, halimbawa, ng sharing (sa kaso ng Facebook) at retweeting (sa kaso ng Twitter), mas lumalaki ang posibilidad na magiging bahagi ito ng balita sa iba pang midya, lalo na sa telebisyon.

Kahit sa panahon ng new media kung saan bahagi ang Internet, hindi hamak na mas makapangyarihan at mas maimpluwensiya pa rin ang telebisyon. Lumalabas sa mga pag-aaral ng Pulse Asia na ang telebisyon, kumpara sa iba pang midya, ay tinitingnan ng publiko na mas mataas ang kredibilidad at mas mapagpasya sa pagpili ng kandidato sa panahon ng eleksiyon. Hindi tuloy nakakagulat na mas tinututukan ng maraming kandidato ang paggawa ng mga patalastas sa telebisyon. Kahit na magastos ang pagbili ng airtime sa telebisyon (lalo na sa mga nangungunang broadcast network), ang mayayamang kandidato at partido ay handang magpaluwal ng malaking pera para lang makaabot sa masa.

Para sa mga kandidatong may limitadong rekurso, siyempre’y hindi kaya ang paulit-ulit na pag-eere ng patalastas sa telebisyon. Dito nagiging kapaki-pakinabang ang social media para sa file-sharing (tulad ng Scribd at Issuu), photo-sharing (tulad ng Instagram, Flickr at Picasa), video-sharing (tulad ng YouTube at Vimeo), micro-blogging (tulad ng Twitter at Plurk) at pangkalahatang kombinasyon (tulad ng Facebook at Google+). Dahil sa convergence na nangyayari sa new media, kapansin-pansin din ang katangiang social media sa mga blogging platform tulad ng Tumblr at WordPress. Depende sa pangangailangan ng mga kandidato, maaari nilang gamitin ang lahat o ilan lang sa mga ito.

Pero dahil ang mga walang-perang kandidato ay nakakasabayan din ang mga may-perang katunggali sa social media, kapansin-pansin pa rin ang disbentahe lalo na’t nakakaya ng mayayamang kandidato ang paggamit ng premium services ng social media tulad ng sponsored posts. Dahil sa sitwasyong ito, nagkakaroon ng tendensiyang mas tumaas ang visibility ng mga kandidato’t partidong handang magbayad sa social media. Pero tulad ng paulit-ulit na patalastas sa ibang midya, nariyan pa rin ang posibilidad na magmukhang “epal” ang isang kandidatong paulit-ulit na ibinabalandra ang patalastas sa social media. Sa madaling salita, ang malaking presensiya sa social media (lalo na’t alam ng publiko na ito ay may bayad) ay hindi garantiya ng suporta mula sa online audience.

Ito ang magpapaliwanag sa sitwasyong ang resulta ng mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) tungkol sa mga posibleng manalo sa senatorial election ay kakaiba sa online polls na isinasagawa ng iba’t ibang grupo, kasama na ang mga organisasyong pang-midya. Kapansin-pansing ang ilang nangunguna sa online polls ay wala sa top 12 ng Pulse Asia at SWS. Kahit na puwede mong batikusin ang metodolohiya ng online polls at sabihing may “army of trolls” ang ilang kandidato, hindi pa rin natin maisasantabi ang sentimyento sa labas ng diumanong popular na opinyon ng mga Pilipino. Kahit na sabihing nasa minorya lamang ang online users kumpara sa kabuuang populasyon ng Pilipinas, kailangan pa ring malalimang pag-aralan ang kanilang saloobin.

Dahil bagong larangan ang paggamit ng social media para sa eleksiyon, marami pang dapat matutuhan lalo na’t pabago-bago hindi lang ang interface ng ilang social networking sites kundi ang katangian ng paggamit nito. Kung ang Twitter noon, halimbawa, ay ginagamit lamang sa pagpapadala ng maiikling tweets, ngayon ay puwede nang mag-embed ng mga larawan at bidyo. Gayundin ang kaso sa Flickr na kilalang photo-sharing site pero ngayon ay posible nang paglagyan din ng bidyo.

Madaling sabihing dapat na patuloy na pag-aralan ng mga kandidato’t partido ang social media. Bagama’t malinaw na ginagawa ito ng mga may limitadong rekurso, ang mga may-perang kandidato’t partido naman ay kayang magbayad na lamang ng mga eksperto para gawin ang sa tingin nila’y nararapat para mapahusay pa ang kampanya.

Malinaw na ang kampanya ng mga kandidato sa darating na eleksiyon ay hindi kakaiba sa mga nakaraan. Patuloy pa rin ang pangingibabaw ng mga may pera, kahit sa larangan ng social media. Magiging garantiya ba ito ng kanilang pagkapanalo? Abangan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.