Paglaya ni Mary Jane Veloso, muling pinanawagan
Noong Setyembre 4, nagpadala ng sulat Kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga magulang ni Mary Jane sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers. Kinabukasan, nagprotesta ang Migrante Philippines sa harap ng Department of Foreign Affairs, kasabay ng unang araw ng pagbisita ni Marcos sa Indonesia.
Pormal na nagrekwes si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo ng executive clemency para kay Mary Jane Veloso. Ito ay kasunod ng panawagan ni Mary Jane, ng kanyang pamilya, at ng sunod-sunod na pagkilos ng mga progresibong grupo.
Noong Setyembre 4, nagpadala ng sulat Kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga magulang ni Mary Jane sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers. Kinabukasan, nagprotesta ang Migrante Philippines sa harap ng Department of Foreign Affairs, kasabay ng unang araw ng pagbisita ni Marcos sa Indonesia.
Sa halip na banggitin ni Marcos Jr. sa kanyang state visit kay Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, ipinaabot ang rekwes ng executive clemency sa pag-uusap nina Secretary Manalo at Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi.
“Kinikilala namin ang pagsusumikap ng DFA sa pagbisita ni Marcos Jr. sa Indonesia. Pero nakakapanghinayang ang bibihirang pagkakataong pinalampas ni Marcos. Sayang ang punta niya dahil hindi man lamang niya binanggit ang pangalan ni Mary Jane sa harap ng presidente ng Indonesia,” ani Arman Hernando, Chairperson ng Migrante Philippines.
Dagdag niya, sa hindi direktang pagbanggit ni Marcos kay Widodo ay pinahina nito ang mensaheng palayain si Mary Jane.
“Isa sa parehong katangian ng Pilipinas at Indonesia ang pagkakaroon ng signipakenteng bilang mamamayan sa ibayong-dagat. Hindi imposibleng maunawaan ni Presidente Widodo ang pinagdadaanan ni Mary Jane. Sa pagkabigo ni Marcos na pag-usapan ang kaso ni Mary Jane, isinantabi niya ang kapakanan ng ating kababayan,” aniya.
Higit 12 taon nang nakakulong si Mary Jane, domestic worker na hinuli sa Yogakarta, Indonesia noong 2010 sa kasong drug trafficking. Ayon kay Mary Jane, niloko siya ng kanyang mga rekruter at isinilid ang droga sa kanyang maleta. Nahatulan siya ng death penalty noong 2015, ngunit hiniling itong pahintuin ni dating pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Cesar Veloso, tatay ni Mary Jane, dalawang presidente na ang naupo ngunit hindi pa rin lumalaya ang kanyang anak sa kabila ng pagkakahuli sa kanyang mga rekruter. Dagdag pa niya, marami na silang karamdaman ng kanyang asawa, at nais niyang muling makapiling si Mary Jane bago sila mamatay.Isa lang si Mary Jane sa mahigit 60 OFWs na kasalukuyang humaharap sa death penalty sa buong daigdig. Sa kasaysayan, last-minute nang nakikipag-usap ang mga dating pangulo ng Pilipinas para palayain ang mga OFW na may parusang kamatayan, tulad nila Flor Contemplacion at Joselito Zapanta.