Tala-Salitaan 0703 | Sabwatan
Sabwatan – pagtutulungan ng dalawa o higit pang katao upang gawin ang kadalasan na ang isang kriminal na aktibidad, masamang balak o lihim na plano, karaniwang labag ito sa batas.
Sabwatan – pagtutulungan ng dalawa o higit pang katao upang gawin ang kadalasan na ang isang kriminal na aktibidad, masamang balak o lihim na plano, karaniwang labag ito sa batas.
Ginagamit din ito sa pagitan ng mga kompanya upang matamo ang kapakinabangan sa negosyo. Nangyayari rin ang tahasang pagsasabwatan kapag ang isang grupo ng mga kompanya ay may isang pormal na kasunduan sa ibang tao na may mapanlinlang na layunin.
Tulad sa nangyari kamakailan sa mga manggagawa ng Gardenia na nag-ulat ng mga kaso ng harassment mula sa mga puwersa ng estado. Subalit, anila, mas lantad ang pakikipagsabwatan ng mga kompanya na Gardenia Bakeries Philippines, Inc. at Philfoods Fresh-Baked Products, Inc. sa mga puwersa ng estado sa pamamagitan ng pagpapasok sa mga pulis at sundalo sa loob ng pagawaan para maglunsad ng mga anti-unyon na aktibidad.
Naghain ng reklamo ang Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines at Unyon ng mga Panadero sa Philfoods Fresh-Baked Products sa Commission on Human Rights noong Hunyo 15 dahil umano sa sabwatan ng management at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) para pigilan ang itinayong unyon ng mga manggagawa.
Ayon sa mga manggagawa, inihain nila ang reklamo para papanagutin ang patuloy na panggigipit, intimidasyon at red-tagging ng mga puwersa ng estado laban sa kanila.
Binatikos ng unyon ng mga manggagawa sa Gardenia at Philfoods ang panghihimasok ng Armed Forces of the Philippines, sa pahintulot ng dalawang kompanya, sa mga planta at internal na usaping pangmanggagawa.
Noong Hunyo 6, nagpiket ang mga unyon ng Gardenia at Philfoods sa Sta. Rosa City, Laguna bilang pagtutol sa serye ng harassment at panghihimasok ng mga sundalo at NTF-Elcac sa kanilang mga pabrika para mangred-tag sa mga inilulunsad nitong mga seminar.
“Unyon lang ang tanging paraan ng mga mangagawa upang magkaron ng boses sa kapitalista sa gitna ng malawakang kontraktuwalisasyon, mababang pasahod at kawalan ng benepisyo. Kung wala nito ay mananatiling barat ang sahod kaya patuloy silang nakikibaka para sa kanilang mga batayang karapatan,” pahayag ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-KMU).
“Binuksan ng kapitalistang Gardenia ang kanyang planta at mismong sa loob na ng kumpanya inilulunsad ang anti-union seminar,” wika naman ni Rhoel Alconsera, vice president for education ng Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines.
Ibinibigay na rin umano ng naturang mga kompanya ang personal na impormasyon katulad ng work history at mga tirahan ng mga manggagawa sa mga sundalo.
Kuwento ni Larry Mallorca, pangulo ng Unyon ng mga Panadero sa Philfoods Fresh-Baked Products, na nagkaroon sila ng pulong kasama ang management nong Mayo 25 ngunit laking gulat at pagtataka nila na may kasamang mga pulis, kinatawan ng NTF-Elcac at iba pang taong hindi nila kilala.
“Tila ang papel nga raw ng NTF-Elcac ay ang takutin ang manggagawa para tumigil sa paglaban para sa karapatan nila sa pamamagitan ng pag-uunyon,” dagdag pa ni Mallorca.
Ang Gardenia Bakeries Philippines, Inc. at Philfoods Fresh-Baked Products, Inc. ay parehong gumagawa ng tinapay para sa Gardenia Foods, isang multinasyunal na kompanya na matatagpuan sa Biñan City, Laguna.