Paano i-download at i-backup ang inyong Facebook account?


Kabilang sa maaaring madownload ang inyong mga larawan, listahan ng mga friends at followers, mga posts, saved items, at mga mensaheng ipinadala at natanggap sa Messenger.

Nitong Mar. 5, marami ang nagulat nang bigla na lang silang na-logout at nawalan ng akses sa kanilang account sa Facebook. Marami ang nag-alala sa posibilidad na hindi na nila maaakses ang kanilang account, at kung gayon, pati na rin ang anumang larawan, mga mensahe, at iba pang impormasyon na kanilang ibinigay sa popular na social media platform.

Subalit alam ba ninyo na maaaring maghanda sa ganitong posibilidad sa pamamagitan ng pag-download at pag-backup ng inyong Facebook information? Maaari ring magamit ito kung sakaling magpasya kayong i-delete na nang tuluyan ang inyong account sa Facebook subalit gusto pa rin ninyong makakuha ng kopya ng mga impormasyon na nasa inyong account.

Kabilang sa maaaring madownload ang inyong mga larawan, listahan ng mga friends at followers, mga posts, saved items, at mga mensaheng ipinadala at natanggap sa Messenger.

Paano i-download ang inyong impormasyon gamit ang browser tulad ng Chrome at Firefox:

  1. Mag-log in sa Facebook.
  2. I-click ang inyong larawan sa itaas na kanang bahagi ng screen.
  3. Sa menu na lalabas, i-click ang Settings & Privacy. I-click ang Settings sa bagong menu na lalabas.
  4. I-click ang Download your Information sa kaliwang bahagi ng screen (sa ilalim ng Your Information).
  5. Pindutin ang Continue upang makapunta sa Facebook Accounts Center.
  6. I-click ang Download or Transfer Information at piliin kung anong account at mga pages ang gusto ninyong i-backup.
  7. Kung gusto ninyong madownload ang lahat ng impormasyon na maaari ninyong makuha, i-click ang Available Information. Kung gusto namang piliin kung ano lamang ang impormasyon na gusto ninyong i-backup, i-click ang Specific Types of Information at piliin sa susunod na menu ang gusto ninyong makuha.
  8. Piliin kung gusto ba ninyong ma-download ang impormasyon sa inyong computer o i-save ang impormasyon sa ibang serbisyo tulad ng Google Drive o Dropbox.
  9. Piliin kung anong mga petsa ang saklaw ng inyong ida-download at kung ano ang kalidad ng mga larawan at iba pang media na gustong i-backup.
  10. Pindutin ang Create Files. Makakatanggap kayo ng e-mail na nagsasabing inihahanda na ng Facebook ang inyong impormasyon. Kapag handa na at puwede nang ma-download, makakatanggap muli ng panibagong email hinggil dito.

Kung gamit naman ang official Facebook app sa inyong cellphone:

  1. I-tap ang inyong larawan sa ibaba na kanang bahagi ng screen. 
  2. I-tap ang Settings and Privacy. I-tap ang Settings.
  3. I-tap ang Download your Information (sa ilalim ng Your Information).
  4. Sundan ang ika-anim hanggang ika-10 na step sa itaas.