Ekonomiya: Kaunlaran, para sa iilan at dayuhan
Pagsusuri sa pang-ekonomiyang mga polisiya sa unang 100 araw ng administrasyong Aquino.
Higit pa sa anumang nakaraang mga pahayag niya bilang presidente, naging mas malinaw ang tindig ni Pangulong Aquino na pabor sa mga polisiyang neoliberal at maka-dayuhang pamumuhunan sa panayam sa kanya ng Council for Foreign Relations sa US. Naganap ito noong nakaraang state visit ni Aquino sa US.
“Ladies and gentlemen, I came here to declare that the Philippines is open for business under new management. Today I invite you to take part in the transformation of the Philippines. We are striving in earnest to build a government where everything works and pursue programs for our economic take-off,” sabi ni Aquino.
Pangunahing “makina” ng mga polisiyang pang-ekonomiya niya, ayon kay Aquino, ang pagsasagawa ng “private-public partnerships.” “We will enlist the participation of the private sector, both domestic and foreign, in big-ticket, capital-intensive infrastructure projects, while ensuring reasonable returns,” sabi pa ng Pangulo.
Malinaw na hindi lumayo – hindi nagbago – si Aquino sa patakarang pang-ekonomiya ng nakaraang mga administrasyon, mula kay Marcos, Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada hanggang Gloria Arroyo.
Noon at ngayon, sinusunod ng mga administrasyon ang dikta ng dayuhang mga pampinansiyang institusyon na dominado ng US tulad ng World Bank at International Monentary Fund. Ito umano ang landas ng kaunlaran para sa mahihirap na mga bansa tulad ng Pilipinas. Ang problema, matagal na itong napabulaanan sa Pilipinas, at kahit sa ibang bansa.
Panahon nina Corazon Aquino at Ramos noong dekada ’90, unti-unting ipinatupad ang mga polisiya na pagsasapribado ng pampublikong mga serbisyo at rekurso, tulad ng mga pampulbikong institusyong nagseserbisyo ng tubig, kuryente, langis at iba pa. Sa pamamagitan ng mga nilagdaang batas, nabuksan din ang likas-yaman ng bansa (partikular sa lupa at dagat) para sa dayuhang eksploytasyon. Tinarget din sa panahong ito ang unti-unting pagsasapribado ng mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay, at serbisyong pangkalusugan.
Sa paraang ito, nakakapaglikha ng pondo ang gobyerno, pero malinaw na pansamantala lamang ito hanggang maubos ang pondong kita mula sa pagsasapribado. Samantala, lalong naging depende ang ekonomiya sa eksport ng mga lokal na produkto, pati na ang pag-eksport sa lakas-paggawa. Hindi naitatatag ang batayang mga rekisito sa pagtatatag ng industriyalisadong ekonomiya, tulad ng repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.
Sa naturang bisita ni Aquino sa Amerika, ipinagmalaki ng Pangulo ang pagtanggap ng $434-Milyong Millenium Challenge Account (MCA) mula sa gobyernong US. Ngunit ayon sa Ibon Foundation Inc., isang institusyong nagsisiyasat sa pang-ekonomiyang mga isyu, lumalabas na kailangang tupdin ng gobyernong Aquino ang ilang “indicators” bago tuluyang maakses ang pondo. Pangunahing “indicator”, anila, ang lalong pagbukas sa bansa sa dayuhang mamumuhunan.
Noong Setyembre 23, napamalas sa publiko ang direktang epekto sa masa ng mga polisiyang neoliberal. Sa Sitio San Roque sa Quezon City, pilit na itinaboy ng demolition teams ng National Housing Authority (NHA) ang libu-libong maralita sa lugar. Ito’y para bigyang-daan ang isang “Central Business District” sa lungsod – isang engklabo ng mga mall, parke, high-rise residential buildings, at opisina ng multinasyunal na mga korporasyon. Mula sa San Roque, ilalagak ang mga maralita sa isang lugar sa Montalban, Rizal na malayo sa kakarampot na kabuhayan na nga ng mga maralita.
Bagaman sinimulan ni dating pangulong Arroyo, pasok sa konsepto ng “public-private partnerships” ang QC-CBD. Ito ang “kaunlarang” itinutulak ng bagong administrasyong Aquino.