Karapatang Pantao Main Story

Arestadong Palparan, huwag bigyan ng special treatment — mga biktima


Huwag siyang bigyan ng espesyal na pagtrato. Iyan ang pahayag ng mga grupong pangkarapatang pantao at progresibo, matapos maaresto ng pinagsanib na puwersa ng  National Bureau of Investigation Anti-Organized Crime Division at Armed Forces Naval Intelligence Group ang puganteng si dating heneral Jovito Palparan. Naaresto sa isang bahay sa Sta Mesa, Manila kaninang alas-tres ng […]

Larawan ni Jovito Palaran, ang "Berdugo", matapos mahuli ng NBI.
Larawan ni Jovito Palaran, ang “Berdugo”, matapos mahuli ng NBI.

Huwag siyang bigyan ng espesyal na pagtrato.

Iyan ang pahayag ng mga grupong pangkarapatang pantao at progresibo, matapos maaresto ng pinagsanib na puwersa ng  National Bureau of Investigation Anti-Organized Crime Division at Armed Forces Naval Intelligence Group ang puganteng si dating heneral Jovito Palparan.

Naaresto sa isang bahay sa Sta Mesa, Manila kaninang alas-tres ng umaga ang tinaguriang berdugo ng mga aktibista. Nakakulong si Palparan sa NBI detention cell habang hinihintay ang commitment order ng korte.

Sa pahayag sa midya ni Sek. Leila de Lima ng Department of Justice,  isang taon daw na sinubaybayan ng mga elemento ng NBI si Palparan bago ito nakumpirmang nasa Sta. Mesa. Kasama sa inaresto ang dalawang tao na hindi pinangalanan.

Ina ni Karen, naiyak sa balita

Ikinatuwa naman nina Linda Cadapan at Coni Empeño, mga ina ng dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na nawawala noon pang 2006 ang pagkaka-aresto kay Palparan.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Empeño na naiyak  siya matapos mabalitaan  ang pagkakaaresto kay Palparan. “Natutuwa kami, sa wakas arestado na siya,” aniya.

Ipinanawagan nina Cadapan at Empeño na huwag sanang bigyan ng special treatment si Palparan at dapat na ikulong kasama ng mg ordinaryong bilanggo.

“Ngayong nahuli na siya, dapat lang na makulong siya sa ordinaryong kulungan, at dapat na niyang ilitaw sina Karen at Sherlyn,” ani Empeño.

Naaresto ng mga elemento ng Ntional Bureau of Investigation si dating heneral Jovito Palparan kaninang madaling araw sa Sta Mesa, Manila.  Kasalukuyang nasa NBI detention cell ang tinaguriang 'berdugo' ng mga progresibong grupo.  Sangkot si Palprn sa kaso nina Macky Macaspac/PW file photo
Naaresto ng mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating heneral Jovito Palparan kaninang madaling araw sa Sta Mesa, Manila. Kasalukuyang nasa NBI detention cell ang tinaguriang ‘berdugo’. Sangkot si Palaparan sa pagkawala nina Sherlyn Empeno at Karen Cadapan, gayundin sa pagdukot kay Jonas Burgos at iba pang human rights violations. Pang-lima rin si Palparan sa most wanted criminal sa buong bansa. Macky Macaspac/PW file photo

Sa Agosto 18 ang nakatakdang huling pagdinig  sa kasong  two counts ng kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa pagdukot at pagkawala nina Karen at Sherlyn.

Tanging ang dalawang akusado na sina  Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at  S/Sgt. Edgardo Osorio, ang humaharap sa korte matapos magtago si Palparan at isa pang akusado na si  M/Sgt. Rizal Hilario nang ipalabas ng korte ang warrant of arrest noong 2011.

Ayon sa abogado ng mga biktima, maaring magbigay na ng resolusyon si Judge Teodora Gonzales ng Regional Trial Court Branch 14 sa  Malolos, Bulacan, o patapusin ang cross examination ng korte kay Palparan.

Positibong pagkilala

“Kailangan naming iharap ulit ang mga testigo namin, kailangan kasi ang positive identification kay Palparan,” paglilinaw ni Edre Olalia, abogado ng mga biktima at pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples Lawyer (NUPL), sa Pinoy Weekly.

Sinabi pa ni Olalia na plano nilang magsampa ng panibagong kaso laban kay Palparan dahil sa paglabag sa Anti-Disappearance law bago pa man maaresto si Palparan.

“It seems surreal. Though long in coming, it’s never too late for justice to catch up. Accountability has no prescriptive period,” sabi ni Olalia.

Para sa grupong Hustisya, ang pagkakahuli ni Palparan ay dahil sa tuluy-tuloy at paggiit ng mga biktima  na arestuhin at papanagutin ang diumano’y berdugo, “Patuloy kaming magbabantay para tiyakin na hindi siya maaabsuwelto ng administrasyong Aquino. Wala dapat special treatment, dapat siyang makulong,” ani Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustiya.

“Panawagan ko lang sa lahat ng nabiktima ni Palparan, huwag kayong matakot at lumabas na kayo para mapanagot natin si Palparan,” sabi naman ni Cadapan.