Mamamayan, kumilos para patalsikin si VP Sara


“Ang usapin ng impeachment ay usapin ng kataranungan para sa taumbayan,” ayon kay senatorial candidate at Makabayan Coalition president Liza Maza. Malinaw at malalim aniya ang batayan para sumulong ang impeachment.

Naglunsad ng protestang bayan ang iba’t ibang grupo sa Liwasang Bonifacio, Ene. 31, para igiit ang pagpapatalsik kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte dahil sa abusadong paggamit ng P612.5 milyong confidential funds. Sa kasalukuyan, nasa tatlong impeachment complaint ang nakahain sa Kamara laban kay Duterte.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nasa 7,000 indibidwal ang kumilos mula sa hanay ng mga manggagawa, magbubukid, maralitang lungsod, kabataan at taong simbahan. Lumahok rin ang mga guro, kawani ng pamahalaan, manggagawang pangkalusugan at sektor ng transportasyon.

Bitbit nila ang panawagan para labanan ang kahirapan, korupsiyon at kawalang pananagutan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa krisis na kinakaharap ng mamamayang Pilipino.

“Diyos ko! Bilyon-bilyon ang ninakaw sa confidential funds ng ating bise presidente. May nangyari [na] ba? Wala,” wika ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.

Pinuna ng direktor ang kawalang aksiyon ng liderato ng Kamara sa mga reklamong impeachment. Banggit niya na parte ang mga dinastiyang politikal sa kawalang aksiyon at patuloy na pagpapahirap sa mga Pilipino kaya kinakailangan maging matalino sa pagboto sa paparating na eleksiyon.

Nanawagan naman si Mother Mary John Mananzan ng Movement Against Tyranny na bigyang-pansin ang mahihirap at maralitang lungsod dahil sila ang pinakaapektado sa katiwalian at pandarambong ng gobyerno.

Tampok rin sa pagkilos ang multi-sektoral na kaisahan ng iba’t-ibang unibersidad at eskwelahan mula sa Maynila at Quezon City.

Kabilang dito ang One Taft Alliance na binubuo ng mga administrador, guro at estudyante mula sa De La Salle University Manila, St. Scholastica’s College Manila, St. Paul University Manila, University of the Philippines Manila, Philippine Normal University at Adamson University. Kasama rin ang Ateneo de Manila University at University of the Philippines Diliman sa nakiisa sa pagkilos.

“Ang usapin ng impeachment ay usapin ng kataranungan para sa taumbayan,” ayon kay senatorial candidate at Makabayan Coalition president Liza Maza.

Paliwanag ni Maza, malinaw at malalim ang batayan para sumulong ang impeachment kay Duterte sa pinakakagyat, ngunit nanatiling nakabinbin ang mga reklamo sa mababang kapulungan.

“Kung hindi ito aaksiyonan ni Presidente Marcos [Jr.], sangkot siya mismo sa katiwalian,” aniya.

Matapos ang Ene. 31 na pagkilos, nanawagan ang Bayan ng isang vigil sa harap ng Batasang Pambansa sa Peb. 5 para patuloy na ipagpanawagan ang pagpapatalsik kay Duterte.