Sugod mga Kapatid

Iskolar ng Bayan?


Huwag tayong sumama sa mga magsasaka dahil sobrang agitated sila at baka saktan nila tayo. Atsaka, prayoridad naman natin ang mga estudyante (bilang ‘lider-estudyante’) imbes na mga magsasaka.

Huwag tayong sumama sa mga magsasaka dahil sobrang agitated sila at baka saktan nila tayo. Atsaka, prayoridad naman natin ang mga estudyante (bilang ‘lider-estudyante’) imbes na mga magsasaka.

Ito ang sambit ng isang miyembro ng konseho ng mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman hinggil sa panukalang bisitahin ng konseho ang kampuhan ng mga magsasaka sa labas ng opisina ng Dept. of Agrarian Reform.

Sa pananalita ng kunyaring lider-estudyante, pinaghihiwalay niya ang isyu ng estudyante (panloob) at isyung panlipunan (panlabas), isang lumang debate, lalo na sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan sa Pilipinas.

Isang halimbawa ay sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ang pinaka-unang nabuong partido ng mga estudyante sa ilalim ng batas militar ay ang SAMASA (Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan). Marami itong isinulong na mga laban, mula panloob (demokratikong karapatan at kalayaang pang-akademiko sa pamatansan) hanggang panlabas (pakikibaka kontra-batas militar, kontra-base militar ng U.S). Nagbiyak ang partido nung may isang paksiyon na nagsabing dapat magbigay ng diin sa mga panloob na isyu. Kumalas ang kabilang paksiyon na nanindigang hindi dapat ipaghiwalay ang dalawa.

Sa madaling kuwento, tuluyang nalusaw ang unang paksiyon (na dinala ang orihinal na pangalan) habang ang pangalawa ang namuno sa kilusang pagpapatalsik-kay-Erap sa loob ng Diliman at kilala na ngayon bilang STAND UP.

Bakit nga ba kailangang paghiwalayin ang dalawang kategorya ng mga isyu at mamili sa pagbibigay ng diin sa isa? Tulad ng sinasabi ng mga beteranong aktibista sa UP nung unang taon ko sa kolehiyo, hindi naman nabubuhay ang pamantasan sa loob ng bula. Ang nangyayari sa labas ay may epekto sa mga nasa loob ng inakalang bula, at ang ginagawa ng mga nasa loob ay may epekto sa labas.

Ang pagwawakas ba sa batas militar, hindi isyu ng mga estudyante? Ang kabuhayan ng mga magulang ng mga estudyante at mga nagtatrabahong mga estudyante, hindi isyu ng mga estudyante? Ang pagkakaroon ng isang bulok na gobyerno, hindi isyu ng estudyante? Ang mga nabanggit ay hindi isyung panloob ng mga paaralan, pero isyu sila ng mga estudyante bilang bahagi ng sambayanan.

Ang paghihiwalay ng mga dilaw at asul na mga partido sa isyung panloob at isyung panlabas ay bunga ng makitid at mababaw na pagsusuri, nagdudulot ng pagkakahati ng hanay ng mga Iskolar ng Bayan, at naglilingkod sa mga nakikinabang sa kasalukuyang bulok na sistema. Matagal ng pinatunayan ng kasaysayan na bulok at walang silbi ang ganitong pagsusuri. Gusto lamang nilang hatakin tayo at makasama sa lusak kung saan nagkakakulubot na sila sa tagal ng pagkababad.

Pero kung sabagay, hindi nakapagtataka na ganito ang isipin nila. Kung ang pagtingin mo sa mga mahihirap at karaniwang tao ay mula sa lente ng hasyendero tulad ng mga Cojuangco-Aquino (ang mga magsasaka ay bayolente, emosyonal, irasyonal, walang kontrol sa damdamin, walang pinag-aralan o kahit isang patak ng sibilisasyon sa katawan), wala ka lang talagang pakialam sa nagaganap sa labas ng paaralan.