Main Story

Mga pulis, kaanak ng SAF 44 at kababaihan nagmartsa para sa ‘hustisya, katotohanan’


[cycloneslider id=”sympathy-march-for-justice-saf-44″] Sa kabila ng misteryosong pagkansela ng permit nito, natuloy ang sympathy march ng aabot sa 1,000 katao na nananawagan ng katotohanan at hustisya para sa mga miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police (SAF-PNP) na napaslang sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Nagsimula ng madaling araw ang martsa-takbo, mula Dasmarinas, Cavite hanggang […]

[cycloneslider id=”sympathy-march-for-justice-saf-44″]

Sa kabila ng misteryosong pagkansela ng permit nito, natuloy ang sympathy march ng aabot sa 1,000 katao na nananawagan ng katotohanan at hustisya para sa mga miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police (SAF-PNP) na napaslang sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Nagsimula ng madaling araw ang martsa-takbo, mula Dasmarinas, Cavite hanggang Kampo Crame sa Quezon City. Mula Crame, muling nagmartsa ang mga nagsilahok hanggang Claret Church sa naturang lungsod. Ayon sa mga organisador, may 44 kilometro ang layo mula Dasmarinas hanggang simbahan.

Inorganisa ng PNP Academy (PNPA) Alumni Association ang martsa, na dapat sana’y dudulo sa Quezon City Memorial Circle para sa isang programa at misa. Pero dalawang araw bago ang naturang aktibidad, kinansela ng Quezon City Hall ang kanilang permiso. Ayon kay Tomas Rentoy III, board chairman ng PNPA Alumni Association at retiradong pulis na heneral, idinadahilan sa kanila ng lokal na pamahalaan na may balita raw kasing baka “pasukin” ng “mga maka-kaliwang grupo” ang martsa.

Binatikos din ni Rentoy ang isang kapwa alumnus ng PNPA, na tagapangulo ng chapter ng PNPAAA sa Kampo Crame na si Sr. Supt. Jerome Baxinela na nagpakalat diumano ng text message sa mga kapwa alumnus na naghihikayat sa kanilang huwag nang sumama sa sympathy march.

When I confronted (Baxinela), sinabi niyang hindi naman daw ‘yun order, advise lang, and it was up to the members if they follow his advice,” sabi ni Rentoy sa press conference matapos ang martsa sa Claret Church. Tila natawa si Rentoy sa sinabi ni Baxinela na tila katulad ng depensang sinabi ng nagbitiw na PNP Chief Gen. Alan Purisima: Hindi naman umano siya nag-utos sa operasyon sa Mamasapano kundi nagpayo lang.

Sinabi ni Rentoy na iniutos ng PNP Officer in Charge (OIC) Gen. Leonardo Espina na huwag maglunsad ng programa sa loob ng Kampo Crame.

Aniya, sa kabila ng pananakot ng administrasyong Aquino na “papasukan ng mga maka-kaliwa” ang martsa ay naging matahimik at matagumpay ito.

Martsa at pakikiisa

Nilahukan ang martsa ng mga kaanak at tagasuporta ng nasawing SAF 44, gayundin ng mga retirado at kahit aktibong mga miyembro ng PNPAAA.

Kapansin-pansin din ang paglahok ng kababaihan ng Gabriela, pambansang alyansa ng kababaihan, na nakiisa sa mga balo, ina at kababaihang kaanak ng SAF 44 na nananawagan ng hustisya at katotohanan sa kabila ng paniniwalang di pa inihahayag ng administrasyong Aquino ang katotohanan sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano.

Naganap ang martsa sa umaga ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, Marso 8.

Nagpakita rin ng suporta ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang progresibong grupo na nagladlad ng mga istrimer at plakard sa harap ng Philippine Heart Center habang dumadaan ang martsa. Laman ng mga plakard nila ang panawagan para sa hustisya at pananagutan sa mga nasa likod ng insidente sa Mamasapano.

Nanawagan din sila ng pagbitiw sa puwesto ni Pangulong Aquino.

Sinabi ni Rentoy na di nila pinayagang magdala ng mga plakard na kontra-gobyerno dahil ang panawagan nila’y hustisya at katotohanan. Gayunman, hindi naman pormal na sumama sa martsa ang mga miyembro ng Bayan kaya nakapagladlad sila ng mga plakard na nananawagan ng pagbibitiw ng pangulo.