Istorya ng Linggo

Istilong Palparan laban sa Morong sibilyan

Ito ang pinakamalupit na pambobomba na nagaganap sa Mindanao: Ang walang tigil na pananalakay ng Armed Forces of the Philippines sa sibilyang mga komunidad sa Maguindanao. Laganap ang paglabag sa karapatang pantao ng mga Moro. Dumarami rin ang lumilikas. Ito ang tila nakukubling krisis ngayon sa naturang probinsiya.

Walong batalyon ng Philippine Army ang nakakalat sa Maguindanao at North Cotabato para tugisin ang mga rebeldeng Moro. (Ilang-Ilang Quijano)
Walong batalyon ng Philippine Army ang nakakalat sa Maguindanao at North Cotabato para tugisin ang mga rebeldeng Moro. (Ilang-Ilang Quijano)

Probinsiya ng Maguindanao—Namumutiktik sa tsekpoint ang haywey. Inuusisa ng armadong mga sundalo ang patutunguhan ng bawat sasakyan (panoorin ang bidyo). Diumano’y para sa kanilang sariling kaligtasan, hinaharang sa daan ang midya, mapalokal man o dayo (panoorin ang bidyo at kaugnay na istorya). Hindi mapagkakaila na sona ng giyera ang buong probinsiya.

Sa bayan ng Datu Piang, nagkampo na ang sundalo sa mga moske at community center ng gobyerno. Nagsisiksikan namang matatagpuan ang mga sibilyan sa mga evacuation center o kumpol ng mga kubol na gawa sa tagpi-tagping kahoy at asul na trapal ang bubungan. O kaya’y nakabilad sila sa init ng araw, nakapila’t nag-aabang sa pagdating ng rasyon ng bigas.

Halos isang taon nang suspendido ang normal na buhay ng mga sibilyang Moro. Hindi makapaghanapbuhay o makapagpaaral ng mga anak ang karamihan. Namamayani ang gutom, sakit, at takot sa ligaw na mga mortar at bala na araw-gabing nangangahulog mula sa langit. (Tingnan ang kaugnay na storya at mga larawan hinggil sa mga bakwit)

Simula nang maudlot ang pagpirma sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) noong Agosto 2008, hindi pa humuhupa ang giyera sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng Moro. Sa halip, araw-araw na nadaragdagan ang bilang ng nadadamay na mga sibilyan at ang di-gaanong naiuulat na mga paglabag sa kanilang karapatang pantao.

Hindi pumipili ng target

Noong Abril 18, inilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Oplan No Man’s Land: Search and Destroy para tugisin ang diumano’y “lagalag” na kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Ameril Umbra Kato sa buong Maguindanao at mga bayan ng Pikit at Midsayap sa North Cotabato. Ikinalat sa komunidad ng mga Moro ang mahigit 2,000 sundalo mula sa walong batalyon ng Philippine Army, kasama ang mga grupong paramilitar at civilian volunteer. Minobilisa ang tinatayang 20 tangke, 30 trak, at ilang sasakyang panghimpapawid.

Simula noon, halos araw-araw ang pagmomortar at pamamaril ng AFP. Pero gaya ng dati nang nakagawian, hindi sila namimili ng target. Ikinasawi at ikinasugat ng maraming sibilyan, at nagdulot ng panibagong mga alon ng paglikas, ang kanilang mga operasyon.

Batay sa ulat ng Consortium of Bangsamoro Civil Society (CBCS), may 12 sibilyan ang nasawi sa 16 na insidente ng indiscriminate artillery strikes sa dalawang probinsiya simula noong Enero.

Sa bisita ng Pinoy Weekly sa mga evacuation center, kinumpirma ng mga bakwit na lumikas sila pangunahin para matakasan ang mga mortar at bala na idinidirekta ng militar sa kanilang mga komunidad, may totoong engkuwentro man o wala sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng Moro.

wounded-child1
Tinamaan ng shrapnel mula sa pagmomortar ng militar ang 7-anyos na si Faidzah Caja ng Brgy. Libutan, Mamasapano, Maguindanao. (Ilang-Ilang Quijano)

“May bakbakan din doon sa amin, pero kaunti. Pero ’yung shelling talaga ng militar (ang dahilan kung bakit nandito kami). Araw-gabi iyon. Paanong hindi ka mag-evacuate?” sabi ni Ismael Sancho, 45. Nagmula ang pamilya ni Ismael sa Brgy. Bacat, Datu Saudi Ampatuan pero ngayo’y halos isang taon na sa isa sa 30 mga evacuation center sa Datu Piang.

Sinunog din ang bahay ng marami sa mga bakwit. Panahon ng Ramadan noong nakaraang taon, kuwento ni Badrodin Salik, 18, nang sunugin ang kanilang bahay kasama ang 20 iba pa sa Brgy. Pagatin, Datu Piang. “Alam namin na sundalo ang may gawa. Mula sa haywey, natanaw namin silang sumakay sa pumpboat na may hawak-hawak na (mga lalagyan ng) gasolina,” aniya.

Simula Enero, may naiulat ding siyam na kaso ng panununog ng mga bahay ng mga sibilyan. Pinakahuling naganap ito noong Mayo 31, nang sunugin ng diumano’y mga grupong paramilitar ang 100 bahay sa Brgy. Reyna Rehente, Datu Piang. Naging sanhi rin ito ng paglikas ng mahigit 200 pamilya mula sa lugar.

brgy-pagatin-datu-piang-burned-house
Bahay na sinunog diumano ng mga sundalong militar sa Brgy. Pagatin, Datu Piang, Maguindanao. (Contributed Photo)

Ayon kay Michael Mastura, senior member ng peace panel ng MILF, ginagamit na laban sa mga mamamayang Moro ang mga taktikang kontra-insurhensiya ni Hen. Jovito Palparan. Nakatrabaho ang kilalang heneral ng ilan sa kasalukuyang mga kumander sa rehiyon, aniya. Tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.

Lumalabas na laganap din sa Central Mindanao ang mga kaso ng ilegal na pag-aresto, pagdukot, tortyur, at pagpaslang sa pinagbibintangang mga rebeldeng Moro. Sa iba’t ibang panig ng bansa, ito rin ang tampok na ginagawa sa mga pinagbibintangang rebeldeng komunista ng militar—lalo ng tinaguriang mga “berdugo” gaya ni Palparan.

Noong Marso 1, nagtatrabaho sa Brgy. Lomopog, Midsayap ang pitong construction worker nang paputukan ng ripleng M60 ng mga elemento ng 40th Infantry Batallion ng Philippine Army na sakay ng helikopter. Pagkababa ng mga sundalo, pinosasan at piniringan nila ang mga sibilyan. Sila’y sinipa at sinuntok at puwersahang pinaamin na mga tauhan ni Kato. Itinali sila sa isang solar dryer at iniwan nang walang tubig o pagkain hanggang sa susunod na araw.

Samantala, noong Hunyo 3, isang sibilyan ang pinatay sa harap ng kanyang tatlong anak ng di pa nakikilalang mga sundalo. Hinarang ang 37-anyos na si Kadtog Sapalon malapit sa kanyang bahay sa Brgy. Sifaran, Datu Odin Sinsuat. Binugbog siya gamit ang dulo ng mga riple, at saka binaril.

Simula Enero, nakapagtala ang CBCS ng anim na kaso ng ilegal na pag-aresto at pagdukot (na bumiktima sa 18 sibilyan), anim na kaso ng tortyur (walo rito ang pinatay matapos pahirapan), at dalawang kaso ng reyd sa mga sibilyang komunidad.

Binombang bahay ng sibilyan sa Brgy. Lapok, Shariff Aguak (Contributed Photo)
Binombang bahay ng sibilyan sa Brgy. Lapok, Shariff Aguak (Contributed Photo)

Kinumpirma ni Nadia Muson, 35, isang bakwit na mula sa Brgy. Pagatin, ang panghahalughog ng mga sundalo sa kanilang bahay. “Binubuksan nila ang mga aparador, hinahalungkat ang aming basura. Naghahanap sila ng ebidensiya,” aniya.

“Tinotortyur nila yung mga tao, basta’t makita ka sa loob. Kahit kukuha ka lang ng saging, sasabihin nilang ibibigay mo sa mga rebelde,” kuwento naman ni Pandigan Gumbay, 57, isang bakwit sa Brgy. Libutan, Mamasapano hinggil sa sinasapit ng kalalakihang nagtatangkang bumalik sa sariling tahanan para maghanap ng makakain.

Nilangkapan pa ng pang-iinsulto sa relihiyon ng Islam ang ilan sa mga kaso ng panghaharas, ayon sa mga ulat. Noong Mayo 11, tinigil ng mga sundalo ang mga drayber ng motorsiklo sa Brgy. Pagatin. Diumano’y sapilitan silang kinalbo at iminarka sa kanilang bumbunan ang simbolo ng krus. Napabalita rin noong Abril 28 na nagkatay ang mga sundalo ng aso at kinain ito sa loob ng moskeng kanilang inokupahan.

Indipendiyenteng imbestigasyon

Samantala, ibinibintang naman ng AFP sa MILF ang pagsabog ng mga improvised explosive device, gaya ng pagsabog noong Hunyo 29 sa Kitango Public Market, Datu Saudi Ampatuan na ikinasawi ng tatlong sibilyang Moro.

Mariin itong itinatanggi ng rebeldeng grupo. Kamag-anak pa diumano ng ilang nakatataas na kumander ng MILF ang mga biktima. Ayon sa mga saksi, dalawang kahina-hinalang lalaki ang nakita sa erya bago ang pagsabog. Tumungo umano ang mga ito sa direksiyon ng kalapit na detatsment ng militar.

Mohagher Iqbal, tagapangulo ng peace panel ng MILF: Hindi nananakit ng sibilyan ang mga rebeldeng Moro
Mohagher Iqbal, tagapangulo ng peace panel ng MILF: Hindi nananakit ng sibilyan ang mga rebeldeng Moro (Ilang-Ilang Quijano)

Iginiit ni Mohagher Iqbal, tagapangulo ng peace panel ng MILF, na hindi mga rebeldeng Moro ang pumapatay sa mga sibilyan. “Paano namin gagawin iyon (sa sarili naming mga mamamayan)? Wala kaming motibo para gawin iyon. Bilang isang rebolusyonaryong organisasyon, ano ba ang mapapala namin diyan?” aniya.

Sa kabilang banda, inamin naman ni Lt. Col. Jonathan Ponce, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, na tinuturing “reserbang puwersa ng kaaway” o enemy reserve force ang mga sibilyang bakwit. Isa itong indikasyon na kinokonsidera silang lehitimong target ng militar. (Tingan ang kaugnay na istorya at bidyo)

Nananawagan ang MILF ng isang indipendiyenteng pagsisiyasat sa mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao at batas pandigma ng parehong panig. Ito lang umano ang paraan para muling makausad ang usapang pangkapayapaan, na nadiskaril nang buwagin ng gobyerno ang panel nito noong 2008.

Bukas din ang rebeldeng grupo sa imbestigasyon kay Kato. Pinabulaanan ng grupo ang sinasabi ng militar na wala silang kakayahan na disiplinahin ang kanilang hanay. Noong 2005, isang taon umanong sinuspinde ng Central Committee ng MILF si Kato.

Katatapos lang din ng sariling imbestigasyon ng MILF sa diumano’y di-awtorisadong mga aksiyong militar ng ilan sa kanilang mga kumander noong nakaraang taon. Pero ayon sa grupo, ihahapag lamang nila ang resulta sa isang third-party na may kakayahang timbangin ito.

Inamin ni Iqbal na sa unang bugso ng sagupaan noong nakaraang taon, kapwa ang gobyerno at ang MILF ang lumabag sa tigil-putukan: ang gobyerno sa North Cotabato, at ang mga rebeldeng Moro naman sa Lanao del Norte. “Pero kung bibilangin ang mga paglabag simula noon, mas marami at mas matindi ang sa AFP,” aniya.

Sa ikinilos ng militar sa nakaraang taon, umano’y malinaw na hindi lamang operasyon laban sa iilang rebelde ang inilulunsad ng gobyerno, kundi isang todo-giyera laban sa buong sambayanang Moro.

Panoorin ang kaugnay na mga bidyo

Tignan ang istorya at larawan hinggil sa mga bakwit