Pagbabalik ni Trump, banta sa US, Pilipinas at buong mundo
Ano ang epekto ng pagbabalik White House ni Donald Trump sa mamamayan ng US, Pilipinas at buong daigdig?
Sinalubong ng protesta ang pagkapanalo ni Donald Trump bilang ika-47 Pangulo ng United States (US).
Dumagsa ang libo-libong mamamayan sa mga lansangan ng New York City, Washington DC, Seattle, Portland at iba pang pangunahing lungsod sa US noong Nob. 9 para kondenahin ang pagbabalik ni Trump sa kapangyarihan na anila’y magpapasahol sa kalagayan ng mamamayan ng US at daigdig.
Ayon sa International League of Peoples’ Struggle-US, isa sa organisasyong nanguna sa protesta, nangangahulugan ang pagkapanalo ni Trump ng mas malalang pang-ekonomiyang krisis, pampolitikang kaguluhan at panunupil sa US, at ng mas matitinding giyerang agresyon sa iba’t ibang bansa.
“Asahan na nating masaksihan ang paparaming bilang ng mga kontra-mamamayang atake, at higit na konsentrasyon ng kapangyarihan sa mas kaunting monopolyo kapitalista, partikular sa mga industriya ng teknolohiya, enerhiya, pinansiya, real estate at armas,” ayon sa ILPS-US.
Nangako si Trump na ipapatupad ang “pinakamalaking deportasyon sa kasaysayan” laban sa milyon-milyong migranteng manggagawa na aniya’y mga “hayop” na “lumalason sa dugo” ng US.
Pinangangambahan ding lalaganap ang karahasan at paglabag sa karapatan laban sa mga lahing hindi puti, muslim, kababaihan at LGBTQ+, at mga mamamahayag gaya noong una siyang naging pangulo.
Unang naging Pangulo ng US si Trump noong 2017 hanggang 2021. Kinokondena sa buong mundo ang kanyang pagkapangulo dahil sa pagpapalaganap ng rasismo, islamophobia, sinophobia, disimpormasyon, at pangaabuso sa kababaihan at LGBTQ+.
Nangako rin si Trump na tutulungan ang Israel na “tapusin ang trabaho” ng pagpuksa sa mga Palestino sa Gaza. Sinabihan niya si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na dapat matapos ito bago siya maupo sa White House sa Enero 2025.
Sa unang termino ni Trump, lumawak ang pananakop ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine kabilang ang kabisera nitong Jerusalem. Pinutol din noon ni Trump ang pondo para sa United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees in the Near East (UNRWA).
“Wala akong tiwala sa Amerika. Inaasahan ko nang sasahol pa ang giyera sa Gaza [sa ilalim ni Trump],” sabi ng 87 anyos na Palestinong si Abu Ali sa panayam ng Al Jazeera.
Binansagan rin si Trump na banta sa malayang pamamahayag dahil sa mga atake niya sa mga mamamahayag na aniya’y “kaaway ng mamamayan.” Nagpasaring din siya ng pagpatay sa mga peryodista.
Si Trump ang pinakamatandang pangulo ng US sa edad na 78. Siya rin ang unang US presidente na sentensiyadong kriminal, na may higit 34 kaso, kabilang ang panggagahasa.
Bilyonaryo, panalo
Susing usapin sa US ang lumalalang krisis sa ekonomiya, lalo na ang mataas na presyo at mababang sahod. Nangako si Trump na “wakasan ang inflation.” Pero itinutulak niya ang 10% hanggang 60% dagdag taripa sa mga imported na produkto na lalong magpapataas sa presyo ng bilihin.
Pinuna rin ng ILPS-US ang patakaran sa paggawa ni Trump. Lalo anilang bababa ang sahod sa US dahil sa patuloy nitong ipapatupad na pleksibilisasyon sa paggawa at paggamit ng artificial intelligence sa pangangasiwa sa mga pagawaan.
Posible ring ituloy ni Trump ang dati niyang patakaran ng pagpapalabas ng mga produktibong industriya sa US. Magdudulot ito ng kawalang trabaho sa mga manggagawang Amerikano at mas masahol na kalagayan sa trabaho sa mga bansang paglilipatan.
Sa unang termino ni Trump naitala ang pinakamalalang antas ng kawalang trabaho sa US matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nadagdagan ng $64 bilyon ang yaman ng 10 pinakamayayamang tao sa mundo sa unang araw ng pagkapanalo ni Trump, ayon sa Bloomberg Billionaires Index. Ito ang pinakamalaking dagdag-yaman sa loob ng isang araw at sinasabing bunga ng pangakong aalisin ni Trump ang buwis at iba pang regulasyon sa mga korporasyon at bilyonaryo sa US.
Pinakamalaki ang $26.5 bilyong dagdag-yaman ni Elon Musk, pinakamayamang tao sa mundo at aktibong kampanyador ni Trump. Umabot sa $100 milyon ang ibinigay ng bilyonaryong may ari ng X (dating Twitter), Tesla at SpaceX para sa kanyang kandidatura.
Nakatakda ring ipasok si Musk sa gabinete bilang tagapangasiwa ng mga kontrata ng gobyerno. Sa nakalipas na dekada, kumita ng $15.4 bilyon sa mga kontrata sa gobyernong US ang mga kompanya ni Musk, ayon sa The New York Times.
Inabandona
Nanalo si Trump laban sa pambato ng Democratic Party na si US Vice President Kamala Harris. Para sa ILPS-US, marka ito ng “kapalpakan” ng mga Democrat, na pinamumunuan nina US President Joe Biden at Harris, na magbigay ng makabuluhang solusyon sa krisis ng US.
“Binalewala ng Democrats ang pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan, mga atake sa pag-oorganisa ng mga manggagawa, panunupil sa mga kilusang masa sa US at ang mapangwasak na pagtindi ng mga walang katapusang giyera sa labas ng bansa,” sabi ng ILPS-US.
Para kay muling-halal na US Senator Bernie Sanders, “inabandona” ng Democrats ang mga manggagawang Amerikano kaya hindi na kagulat-gulat na inabandona rin sila ng mga ito.
Lumala aniya ang hindi pagkakapantay-pantay ng kita at yaman sa US, at mas bumaba ang sahod ng mga manggagawa kumpara sa nagdaang 50 taon.
“Habang ipinagtatanggol ng pamunuang Democrat ang status quo, galit at naghahangad naman ng pagbabago ang mamamayang Amerikano. At tama sila,” ani Sanders.
Kinondena rin ng mamamayan ng US ang administrasyong Biden-Harris dahil sa pagkunsinti at pagpondo sa henosidyo ng Israel laban sa mga Palestino sa Gaza, at sa pang-uudyok ng giyera laban sa China gamit ang Taiwan at Pilipinas.
“Naging malinaw sa mamamayan na walang estratehiya si Harris bukod sa pagpapatuloy sa mga walang lamang pangako ni Biden habang patuloy naman ang negosyo ng mga oligarkong korporasyon at mga kumikita sa giyera,” sabi ng ILPS-US.
Migranteng Pinoy
Sumama sa mga protesta laban sa pagkapanalo ni Trump ang mga Pinoy sa US. Kinondena nila ang pinalaganap nitong diskriminasyon at karahasan laban sa mga migranteng manggagawa.
“Araw-araw kaming nakakaramdam ng takot at pagkabalisa na mabiktima ulit ng pag-atake,” sabi ni Nicanor Arriola, migranteng Pinoy na nabiktima ng karahasan laban sa mga Asyano noong 2021.
Nabalian siya ng anim na buto sa tadyang habang malubhang nasugatan at nabalian ng tuhod ang kanyang asawa.
“Wala nang katiyakan ang trabaho at ang kakayahan naming suportahan ang sarili—nagtatrabaho kami bilang caregiver at may mga pisikal nang limitasyon dahil sa mga natamong pinsala,” aniya.
Tumaas ng 339% ang bilang ng krimen laban sa mga Asyano sa US noong 2021 dahil sa mga anti-Asyanong pahayag ni Trump sa kasagsagan ng pandemya ayon sa National Alliance for Filipino Concerns (Nafcon).
May higit 4.5 milyong migranteng Pinoy sa US. Tinatayang 59% ay nagtatrabaho nang mababa ang sahod at sa mapanganib ang kondisyon sa sektor ng serbisyo at kalusugan. Sa kabila ng ambag nila sa ekonomiya at kalusugan ng US, sila pa ang sinisi ni Trump sa krisis.
Una nang naranasan ng mga Pinoy ang malawakang deportasyon sa unang termino ni Trump. Nitong Nob. 8, nanawagan ang embahada ng Pilipinas na mag-alsa-balutan na ang mahigit 300,000 hindi dokumentadong Pinoy sa US bago pa sila ipa-deport.
“Ang payo ko sa kanila, huwag nang maghintay na mapa-deport,” sabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez.
Nanindigan naman ang Nafcon na palakasin ang kampanya para ipagtanggol ang karapatan ng mga migrante at manawagan ng katarungan para sa mga biktima ng hate crimes at diskriminasyon.
Kasabay ng kampanyang elektoral, buong 2024 sila naglunsad ng mga talakayan at survey para likumin ang mga panawagan at kahilingan ng Filipino community sa US. Nabuo nila ang 2024 Filipino American Agenda.
“Matapat na ipagpapatuloy ng Nafcon ang mga kampanya sa paninindigan para sa mga biktima ng karahasan, pananawagan para sa karapatan ng mga manggagawang pangkalusugan at migrante, at pakikipagtulungan sa mga komunidad para protektahan ang demokrasya,” sabi ng Nafcon.
Relasyong US-RP
Habang kinokondena ng mamamayan sa US at iba pang bansa, kabilang ang Pilipinas, ang pagbabalik-kapangyarihan ni Trump, binati naman siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nanalo si President Trump, nanaig ang mamamayan ng America!” sabi ni Marcos Jr.
Sabik na rin umano si siyang makatrabaho si Trump sa pagpapatibay ng “pagsasama” ng US at Pilipinas.
Tumatanaw naman si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na dalhin sa mas mataas na anta sang alyansa ng US at Pilipinas sa ilalim ni Trump.
Maaaring maging pabago-bago pa ang mga polisiya ng US sa pag-upo ni Trump pero tiyak na marami itong ipagpapatuloy sa mga patakaran ng administrasyong Biden kaugnay ng pagpapalakas ng presensiyang military at pang-ekonomiyang impluwensiya sa Pilipinas ayon sa International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP).
“Sinuportahan at binasbasan ng parehong administrasyon nina Trump at Biden ang mga pangulo ng Pilipinas na sina [Rodrigo] Duterte at Marcos Jr., kapwa hinatulang guilty sa war crimes sa 2024 International People’s Tribunal,” sabi ng ICHRP.
Nakapagtala ang Karapatan ng mahigit 105 kaso ng extrajudicial killings, 12 sapilitang pagwala at 28 na tortyur sa nakalipas na dalawang taon ni Marcos Jr. Mahigit 755 bilanggong politikal naman ang nakapiit.
Nauna nang nagbabala ang Karapatan na gagamitin sa paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng programa kontra-insurhensya ni Marcos Jr. ang $500 milyong ayudang militar ng US na inaprubahan ng parehong partido nila Trump at Biden.
“Pagdating sa mahahalagang usapin, gaya ng pagsuporta ng US sa brutal na kontra-insurhensiyang programa, walang dahilan para maniwalang magdudulot si Donald Trump ng mayor na paglihis sa mga nasimulan ni Biden,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Sabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan-USA, hindi makakalimutan ng mga Pinoy ang pagsuporta ni Trump sa giyera kontra-droga noon ng administrasyong Duterte.
Walang nakikitang pagbuti sa pangekonomiya at pampolitikang relasyon ng US at PIlipinas sa ilalim ni Trump si Makabayan Coalition president at ILPS secretary general Liza Maza.
“Sa record at mga polisiya ni Trump, na nakaugat sa kontra-mahirap, kontra-migrante, at sagad-sagaring pasista, sexist, at rasistang mga ideolohiya, nakikita namin na lalong lugi para sa Pilipinas ang relasyong US-Philippines pagdating sa mga kasunduang pangkalakalan, militar, at mga kaayusang pang-ekonomiya,” aniya.
Prayoridad pa rin ng US ang pagpapaigting ng presensiyang militar sa Asya-Pasipiko na sinimulan noon ni Trump. Pinangangambahan ng mga eksperto na humantong sa giyera kung itutuloy ni Trump ang agresibo at padaskol nitong pakikipag-ugnayan sa China, bagay na maaaring ikapahamak ng Pilipinas.
“Kung hindi susunod ang China, aarmasan ni Trump ang Pilipinas para sa labanan sa South China Sea,” sabi ni Alan Chong, eksperto ng international studies.
Nakapuwesto pa rin sa Pilipinas ang Typhon missile system ng US Army. Unang hati pa ng 2024 ito ipinangakong alisin ng US matapos kondenahin ng iba’t ibang grupo at mga eksperto sa konstitusyon dahil sa paglabag sa soberanya at teritoryo ng Pilipinas at lalong nagpapatindi ng tensiyon sa buong rehiyon.
“Malamang na mga tropa ng Pilipinas ang magiging pambala sa kanyon sa anumang giriang ibubunga ng pang-uudyok ng giyera ng US sa China,” ani Palabay.
Sa pagkapanalo ni Trump, iginiit ni Maza na lalong mahalagang magkaroon ng nagsasariling patakarang panlabas ang PIlipinas na may pagpapahalaga sa seguridad ng mamamayan.
“Ating isulong ang isang makabayang patakarang panlabas na inuuna ang interes ng mga Pilipino hindi ng dayuhan,” ani Maza.