Palparan, hugas-kamay pa rin sa mga pamamaslang, pagdukot, abuso
Wala siyang kasalanan. Ito ang giit ni dating heneral Jovito Palparan sa midya matapos arestuhin siya ng mga awtoridad Agosto 12 matapos ang tatlong taon na pagtatago. Kaiba sa nakagawian ng National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiyang umaaresto ng mga suspek at pugante, nakapaglunsad ng press conference ang tinaguiriang “berdugo” ng mga aktibista para magpaliwanag sa midya hinggil sa […]

Wala siyang kasalanan. Ito ang giit ni dating heneral Jovito Palparan sa midya matapos arestuhin siya ng mga awtoridad Agosto 12 matapos ang tatlong taon na pagtatago.
Kaiba sa nakagawian ng National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiyang umaaresto ng mga suspek at pugante, nakapaglunsad ng press conference ang tinaguiriang “berdugo” ng mga aktibista para magpaliwanag sa midya hinggil sa kanyang pagtatago. Dito, itinanggi rin ni Palparan na may kinalaman siya sa mga krimen na ipinararatang sa kanya, hindi lang ng mga grupong pangkarapatang pantao at progresibo, kundi pati ng independiyenteng mga imbestigador at pati ng isang United Nations (UN) Rapporteur.
Dito, iginiit niyang wala daw siyang kinalaman sa pagkawala nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Wala din daw kinalaman ang mga militar sa pagkawala ng dalawa noong 2006. Naging madiin siya sa pagsabing na “hindi naman (daw) estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas” sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan at bagkus ay mga miyembro raw ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
“Sa korte na lang tayo magkita,” sabi naman ni Lorena Santos, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, na grupo ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos. Sinabi pa ni Santos sa Pinoy Weekly na hindi sapat na dahilan ang pagiging NPA ng dalawa–kahit pa totoo ito–para dukutin sina Karen at Sherlyn.
“Miyembro man sila (ng NPA) o hindi, hindi sila dapat na iwinala, parang justification pa niya ang nangyari sa dalawa,” aniya. Sinabi pa ni Santos na babantayan pa rin nila ang kaso ni Palparan hangga’t hindi ito natatapos at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Espesyal na pagtrato?

Sa kabila ng pagkakaaresto kay Palparan, nangangamba naman ang mga pamilya ng dalawang estudyante na maaaring mabigyan ng special treatment ng mga awtoridad si Palparan.
Sinabi kasi ni Palparan sa midya na iniinda niya ang masakit niyang balakang gayundin ang pagiging underweight daw niya.
Nangako si Justice Sec. Leila de Lima na “walang special treatment” para sa dating heneral.
“Security lang ang gusto niya na masiguro, and quite understandably (so). At ibibigay sa kanya iyan–ise-secure siya. We would make sure na aalagaan siya dito, pero there will be no special treatment; just fair, just and humane treatment,” sabi ni de Lima sa midya.
Ayon naman kay Santos, gusto nilang makita si Palparan na nakakulong sa ordinaryong kulungan tulad ng mga bilanggong pulitikal na kinasuhan ng gawa-gawang mga kaso.
“Nakapagpa-press conference siya at nainterbyu ng mga midya, samantalang ang mga bilanggong pulitikal kung ipakita sa midya at magtaas ng kamao, hindi nila pinapayagan,” ani Santos.
Inaasahang magpapalabas ng commitment order ang Regional Trial Court sa Malolos, Bulacan kung saan ikukulong si Palparan.
Sa tala ng grupong Karapatan, habang tumatayong commanding officer ng 24th Infantry Battalion ng Philippine Army si Palparan mula 2005 hanggang 2006, mayroong 71 biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, 14 biktima ng bigong pagpatay at limang insidente ng pagmasaker.
Pampulitikang nobela?
Bagamat itinuturing ng iba’t ibang grupo na tagumpay ang pag-aresto kay Palparan, may hinala naman sila na ginagamit ng administrasyong Aquino ang pag-aresto. Umabot kasi nang mahigit dalawang taon bago masakote ang puganteng heneral.
“Huwag sanang gamitin (ito) na pogi points ni Aquino. Dahil ito sa tapang at sigasig ng mga ina nina Karen at Sherlyn at sa malawak na panawagan ng mamamayan para sa hustisya sa mga biktima,” ani Santos.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. na nakatuon si Pangulong Aquino na lutasin ang mga paglabag sa karapatang pantao. “Matibay ang determinasyon ng ating Pangulo na iharap sa hukuman at panagutin ang mga mayroong usapin sa paglabag ng mga karapatang pantao at sa paglabag ng batas,” ani Coloma.

Pero para sa grupong pangkababaihan na Gabriela, “nakakaduda” ang pagkakataon ng pag-aresto kung kailan napakababa ng net satisfaction rating ni Aquino dahil sa eskandalosong Disbursement Acceleration Program at ang kinakaharap na impeachment case ng Pangulo.
“Ano ang pinakamabuting paraan para pahupain ang mga aktibista at ang mga militar kundi ang ipakita ang lakas para hulihin ang ‘berdugo’ (nila), at maipakita rin sa mga militar na ang gobyerno ay may political will na arestuhin ang mga militar na pasaway?” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Para naman sa Kilusang Mayo Uno (KMU), isang pagsubok sa administrasyong Aquino at sa sistemang hudisyal ang kaso ni Palparan. Hindi rin daw dapat ipagmalaki ni Aquino ang pag-aresto kay Palparan at sabihing isa siyang tagapagtaguyod ng karapatang pantao.
“Wala ni isang kaso nang paglabag sa karapatan na isinampa laban kay Gloria Macapagal Arroyo,” sabi ng grupo.
Sinabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, na dapat bantayan ang administrasyong Aquino dahil may sarili din itong mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.
“Nananawagan kami sa publiko na suportahan ang kaanak ng mga biktima at masusing imonitor ang kaso laban kay Palparan,” pagtatapos ni Reyes.