Pinoy Weekly

10 mahahalagang istorya na pinalampas ng midya noong 2012

Mahalaga, ngunit nagkulang sa pansin. Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga istorya noong 2012 na tinataguriang “underreported” o hindi nabigyan ng midya ng sapat na espasyo (sadya man o hindi) sa kanilang mga ulat bilang isyu o kaganapang dapat alam ng publiko. Nabigyan sana ang publiko ng kumpleto at mas tumpak na larawan ng ating pambansang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapatampok sa mga istorya at perspektibang ito mula sa mardyinalisadong mga sektor ng lipunan.

(Basahin ang 10 istoryang pinalampas ng midya noong 2009, 2010 at 2011)

Ang sampu, walang partikular na pagkakasunud-sunod.

Ang Two-Tiered Wage System at lalong pagbarat sa sahod ng mga manggagawa

Protesta kontra sa two tiered wage system (Macky Macaspac)

Protesta kontra sa two tiered wage system (Macky Macaspac)

May dahilan kung bakit hindi interesado ang malalaking korporasyon ng midya na ibalita ang dumadausdos na kalagayan ng mga manggagawang Pilipino: Ang may-ari ng mga kompanyang ito ay ilan sa pinakamalalaking negosyante sa bansa. Nasa interes ng mga may-ari na ito na huwag ibalita ang mga istorya na nagpapakita ng ibayong pagsasamantala ng mga manggagawa, dahil sila rin ang maysala sa pinakamalulupit na atake sa karapatan sa paggawa.

Maliban sa seremonyal na pagbabalita ng implementasyon nito, hindi ipinaliwanag ng midya at binigyan ng karampatang pokus ang two-tiered wage system. Sa iskemang ito, may dalawang paraan para itakda ang sahod ng mga  manggagawa. Una, ang tinatawag na floor wage na batay umano sa poverty threshold ng rehiyon – ito ang ibibigay sa mga manggagawa, sa halip na minimum wage. Pangalawa, may tinatawag na productivity wage na nakabase umano sa produktibidad ng kompanya.

Sabi ng maraming grupong tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa tulad ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), malinaw na ibinibigay nito nang buung-buo sa mga kapitalista ang karapatang magtakda ng sahod.

Nang ipatupad ang iskemang ito sa Timog Katagalugan, nakita ng mga manggagawa kung papaano lalong pinababa ng mga kapitalista at gobyerno ang sahod nila. Sa Calabarzon, itinakda na may P255 floor wage ang mga manggagawa – mas mababa ito sa dati nang P337 na minimum wage sa lugar.

Isa lamang ang two-tiered wage system sa pinakamalupit na mga atake sa karapatan ng mga manggagawa, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), sentro ng militanteng unyonismo sa bansa. Anila, ang patakarang kontraktuwalisasyon sa paggawa, pagharang sa panukalang P125 na makabuluhang dagdag-sahod, at iba pa, ang ilan lamang sa nagpapanatili sa pagkalugmok sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino. Sa kabila ito ng ipinagmamalaking paglago raw sa ekonomiya ng bansa.

Atake sa mga benepisyo ng mga kawani

Protesta ng mga kawani ng NHA. (KR Guda)

Protesta ng mga kawani ng NHA. (KR Guda)

Nagrali sila sa harap ng Malakanyang. Nagpiket sa kani-kanilang mga opisina. Sumayaw ng Gangnam Stylesa Quezon City Memorial Circle. Hinarangan ang trapik sa EDSA. Nagrali nang nagrali. Nangalampag. Nag-lobby sa mga mambabatas. Pero nananatiling bingi ang administrasyong Aquino sa panawagan ng mga kawani ng gobyerno na itigil ang mga atake sa kanilang mga benepisyo na matagal nang ipinaglaban.

Nandiyan ang paglagay ng Department of Budget and Management ng cap sa insentibong maaaring matanggap ng mga kawani ng iba’t ibang ahensiya, kabilang pa ang nasa serbisyong pangkalusugan. Sang-ayon ito sa Collective Negotiation Agreement (CNA) sa pagitan ng mga unyon ng gobyerno at ng administrasyon. Pero tila walang interes ang administrasyon ni Aquino na respetuhin ang naturang mga kasunduan.

Sinabi pa ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), tinanggal pa ng administrasyong Aquino ang katiting na mga alawans nila, tulad ng rice allowance, subsistence allowance, longevity pay, food basket allowance, laundry allowance, at hazard pay.

Marami sa kanila ang naikomit na ang kanilang yearend bonus at 13th month pay sa pagbayad ng mga utang, sabi ni Ferdinand Gaite, pangulo ng Courage, sa isang rali sa Mendiola noong Disyembre. Dahil sa hirap ng buhay at malinaw na pagpapahirap sa kanila ng administrasyon, lumalawak ang diskuntento sa rank-and-file na hanay ng mga empleyado ng gobyerno.

Isama pa rito ang patuloy na pagkibit-balikat ng mga alyado ng Palasyo na dominanteng puwersa sa Kamara at Senado sa panukalang P6,000 across-the-board na dagdag sa kanilang mga suweldo, pati ang pagtanggi sa Courage Party-list na tumakbo sa halalang party-list ngayong 2013 — maaasahan ang higit pang pagbulwak sa kalsada ng galit ng mga kawani.

Sana lang, pansinin at ilabas ng mainstream media ang kanilang mga hinaing.


Relief at rescue efforts ng mga organisasyong masa

Relief efforts ng Kabataan matapos ang baha dulot ng habagat. (Pher Pasion)

Relief efforts ng Kabataan matapos ang baha dulot ng habagat. (Pher Pasion)

Maliit man ang rekurso kumpara sa gobyerno, malalaking TV network at mga nongovernment organization (NGO) na nagsasagawa ng rescue at relief efforts tuwing hahagupit ang malakas na bagyo, hindi matatawaran ang ibinuhos na lakas ng iba’t ibang organisasyong pangmasa sa pag-abot sa mga nasalantang komunidad, lalo na ‘yung pinakamalalayo at pinababayaan na ng gobyerno at pribadong mga organisasyon.

Hindi lamang relief goods na pantawid sa iilang araw ang inaabot na tulong ng mga organisasyong ito. Ang mas mahalaga, at mas nakatatagal ang epekto, ay ang sinserong pagpapaunawa nila sa mga salik ng pagbaha at pagguho ng lupa—ang malawakang pagkasira ng kalikasan, kawalan ng suporta ng gobyerno, at inhustisya—at ang pagpapaniwala sa kanilang sariling lakas laban sa lahat ng mga nananalanta, puwersang natural man o panlipunan.

Sa Gitnang Luzon noong Bagyong Gener, kung saan 1.2 milyon katao ang natamaan, nanguna ang Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, Kalikasan, at iba pa sa pagtulong sa maliliit na magsasaka at mangigisda, kasabay ang pag-oorganisa sa kanila. Sa Mindanao noong bagyong Pablo, Balsa Mindanao naman ang humagod sa malalayong bayan sa mga probinsya ng Compostela Valley, Davao Oriental, at Surigao del Sur. Kadalasa’y wala sa harap ng kamera ang pagtulong, tulong na galing rin sa kapwa-mahihirap o progresibong mga indibidwal o grupo na malalim ang pag-unawa sa mga ugat at pangmatagalang solusyon sa kahirapan. Kaiba ito, halimbawa, sa relief efforts ng militar na ginagamit ang pagkakataon para kabigin papalayo ang mahihirap sa kapwa nila mahihirap, o sa mga TV network at NGO na biktima lamang ang trato sa mga nasalanta.

Pang-ekonomiyang interes ng US sa West Philippine Sea/South China Sea

Mga US navy vessel sa South China Sea, sa isang ehersisyong militar na Balikatan. (US Navy photo)

Mga US navy vessel sa South China Sea, sa isang ehersisyong militar na Balikatan. (US Navy photo)

Noong 2012, isa sa pinakamalalaking pumutok na isyu ang pag-aari sa Spratly Islands sa West Philippine (o South China) Sea.

Mabilis na umusbong at madaling napaypayan ng administrasyong Aquino at ng midya ang sentimyento kontra sa Tsina, na arogante rin ang timpla ng mga pampublikong pahayag. Sinunggaban naman ni Aquino ang pagkakataon para ipatanggap sa publiko ang mas maigting pang militar na presensiya ng Estados Unidos sa bansa. Sinabi na ng US na hindi ito papanig sa usapin ng Spratlys—sa madaling salita, na hinding-hindi nito gigiyerahin ang Tsina, na bilang karibal ay pinakikinabangan niya sa larangan ng ekonomiya, para lamang dumepensa sa maliit na bansang gaya ng Pilipinas. Gayunpaman, tuwang-tuwa ang US sa pagkakataong ipalabas ang sarili bilang tagapagligtas at tagapagtanggol ng maliliit.

Maya’t maya sa balita ang hinggil sa pagdaong ng mga barko o submarino ng Estados Unidos sa iba’t ibang daungan sa bansa. Maya’t maya sa balita ang pagdating ng libu-libong tropang Amerikano para sa military exercises, o panibagong aktibidad sa pinasisigla muling baseng US sa Subic (kabilang na ang pagtatapon ng toxic waste sa ating karagatan). Pero ang galit sa mas matinding paglabag sa pambansang soberanyang ito, wala sa sentimyentong binubuo ng administrasyong Aquino at ng midya. Hindi sinisilip ng midya ang mas malaking ganansiyang militar at pang-ekonomiya ng Estados Unidos sa paglabas-masok nito sa Pilipinas na tila isa niyang teritoryo, gaya ng nilalabanan nating pag-angkin ng Tsina sa Spratlys, gayundin ang paglabag nito sa soberanya ng bansa.

Sa halip, tinanggap ng midya ang mababaw na kabalintunaan ng pagiging “pulisya ng mundo” ng US bilang dahilan ng pagpihit nito sa Asya Pasipiko. Sa ganitong paraan naimaskara ang imperyalistang intensiyon ng gobyernong US na lalong sakupin ang mga merkado sa rehiyon at supilin ang anumang progresibo o rebolusyonaryong kilusan na bumabangga sa monopolyo kapitalistang kaayusang itinataguyod at totoong ipinagtatanggol nito.

Epekto ng pagmimina sa kalikasan, pagpapalala nito sa mga kalamidad

Protesta kontra sa bagong mining executive order ni Aquino. (Soliman Santos)

Protesta kontra sa bagong mining executive order ni Aquino. (Soliman Santos)

Dama ng Mindanao ang isa sa pinakamalupit na trahedya sa kasaysayan nito matapos humagupit ang bagyong Pablo noong nakaraang taon. Ang hindi masyado sinisiwalat, malawakang pagmimina at pagtotroso ang dahilan kung bakit nangyari ang trahedya sa ilang mga bayan sa Mindanao. Namayagpag ang paninisi ng gobyerno sa global warming, kawalan ng kahandaan, at kahit ang maliliit na minahan at iba pang dahilan. Hindi naiulat ang pinsalang dulot ng malawakang pagmimina na isa sa mga sanhi ng pagkasira ng kabundukan at kagubatan na siyang nagdudulot naman ng papalalang epekto ng mga natural na kalamidad.

Hindi rin naman ito kataka-taka lalo’t pabor ito sa dayuhang mga kompanya ng pagmimina na siyang pangunahing kliyente ng administrasyong Aquino sa pagbebenta ng likas na yaman ng bansa. Nag-uunahan ang lokal at dayuhang mga kompanya ng pagmimina sa yamang-mineral ng bansa, kung itatambol sa midya ang mapangwasak na katangian ng pagmimina, mawawala ang dayuhang pamumuhunan na ipinangangalandakan ni Pangulong Aquino na umano’y lilikha ng maraming trabaho.

Bukod sa pagkasira ng kabundukan at mga kagubatan ng bansa dahil sa pagmimina, hindi rin masyadong naibalita ang pamamaslang, panghaharas sa mga mamamayang tutol sa pagmimina na nagsisilbing bahagi ng programang kontra-insurhensiya ng gobyerno, ang Oplan Bayanihan. Sa tala ng mga grupong makakalikasan, mahigit sa 20 ang pagpaslang sa mga makakalikasan na naganap sa mga lugar kung saan may pagmimina na binabantayan ng mga sundalo ng gobyerno.

Itinuring ng mga makakalikasan na ang taong 2012 ang pinakamapanganib para sa mga anti-minang aktibista subalit hindi naman naibalita ang karamihan sa mga insidente ng karahasan laban sa kanila.

Bangis ng Oplan Bayanihan

Pagsiwalat sa mga abuso ng militar sa Timog Katagalugan. (Kat Elona)

Pagsiwalat sa mga abuso ng militar sa Timog Katagalugan. (Kat Elona)

Noong Disyembre ng nakaraang taon, nakapagtala ang Karapatan ng ilegal na pag-aresto na nakabatay sa gawa-gawang mga kaso laban sa 23 katutubong mamamayan, empleyado ng gobyerno, at iba pang indibidwal. Itinuturong salarin ang Oplan Bayanihan, ang polisiyang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino. Pero hindi naging matunog sa midya ang mga balitang ito.

Ayon pa sa grupo, mukhang nagkukumahog ang militar sa kanilang pagpapakita ng itinuturing nilang tagumpay sa pagwawakas daw sa rebolusyon sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan. Sa kabila ng retorika ng pagkakawanggawa o pagbabayanihan sa mga maralita, naging mabangis ang Oplan Bayanihan, at nagreresulta sa pag-aresto, panghaharas at pamamaslang sa binabansagang mga komunista, at malawakang militarisasyon sa mga lugar na sinasabi ng militar na malakas daw ang mga rebelde.

Sa ilalim ng naturang polisiya, lumobo ang bilang ng bilanggong pulitikal sa 398 hanggang noong Nobyembre 30, 2012. Umabot sa 123 rito ang naaresto sa panahon ng panunungkulan ni Aquino at nananatiling nakakulong pa rin hanggang sa kasalukuyan.

Tinataya namang mahigit sa 132 pampulitikang pamamaslang na ang nangyari sa panunungkulan ni Aquino, subalit hindi man lamang naiulat ng midya ang tungkol sa mga ito. Tampok din sa nakaraang taon ang iba’t iba pang porma ng paglabag sa mga karapatang pantao, mula sa pananakop ng militar sa mga eskuwelahan (para kampuhan), pagbansag sa mga bata na child soldier daw ng mga rebelde (para bigyang-katwiran ang pandarahas nila sa mga bata); at pagbuhos ng puwersang militar sa mga komunidad ng mga sibilyan, tulad ng ginawa sa probinsiya ng Quezon.

Tusong pangangamkam ng pamilya Cojuangco-Aquino sa lupa ng Hacienda Luisita na di-saklaw ng desisyon ng Korte Suprema

Bahagi ng Hacienda Luisita na hindi isinama ng Korte Suprema sa pagpapamahagi sa mga manggagawang bukid. (Ilang-Ilang Quijano)

Bahagi ng Hacienda Luisita na hindi isinama ng Korte Suprema sa pagpapamahagi sa mga manggagawang bukid. (Ilang-Ilang Quijano)

Naging mainit sa nakaraang taon sa midya ang pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona. Isa sa mga dahilan na nakikita ni Corona, at maging ng independiyenteng mga tagamasid: Ang desisyong ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka na hawak ng pamilya Cojuangco-Aquino sa Tarlac.

Naging mainit ang midya kay Corona, pero hindi naging kasing init ito sa pagkober sa mga mapanlinlang na pamamaraan upang mapanatili sa pamilyang Cojuangco-Aquino ang lupa ng Hacienda Luisita.

Kabilang na rito nang binakuran ng 100 guwardiya, 15 miyembro ng Tarlac Provincial Police, at 10 miyembro ng Philippine Army sa isinagawang bungkalan ng mga magsasaka sa Brgy. Balete. Nagkaroon ng tensiyon dito dahil sa pagpapaputok ng baril laban sa mga magsasaka, ayon sa ulat ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala).

Ang bungkalan ay simbolikong pag-okupa sa lupain ng Hacienda Luisita na mga magsasaka upang ipakita ang kanilang nagkakaisang pagtindig na sila ang tunay na nagmamay-ari ng lupa ng Hacienda. Dagdag pa ng mga magsasaka, inisyatiba nila ito na paunlarin ang 500 ektaryang lupain matapos na pumabor ang Presidential Agrarian Reform Council o PARC noong 2005 sa kanila.

Kinasuhan ang 23 lider-magsasaka sa ilalim ng Article 280 (grave coercion) at Art. 312 ng Revised Penal Code (occupation of real property), bunsod ng pag-okupa nila noong Hulyo 15, 2011 sa 500 ektaryang inaangkin umano ng RCBC sa Brgy. Balete. Ang 500 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita na ibinenta ng pamilya Cojuangco-Aquino sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) ang siyang pinag-aagawan dahil hindi umano ito sakop ng desisyon ng Korte Suprema.

Hinala ng mga magsasaka, “pagmamanipula lamang” ng pamilya Aquino-Cojuangco ang isinampang kaso ng RCBC. Sinabi rin nila na makailang ulit nang hindi tinupad ng pamilya ang mga kautusan at kasunduang ipamahagi na ang lupa mula pa noong dekada ’60. Giit nila, may nakasampa ng mga kaso noong pang 1967 at 1985 kaya’t ang pagpasok ng RCBC ay “ilegal.”

Kabilang na dito ang patuloy na pagkampo ng militar sa asyenda at panghaharas ng mga ito sa mga residente para magpalaganap ng takot sa mga residenteng lumalaban para sa kanilang mga karapatan.

Overpricing sa mga produktong petrolyo

Rali sa tanggapan ng Chevron sa Makati kontra sa overpricing sa langis. (Pher Pasion)

Rali sa tanggapan ng Chevron sa Makati kontra sa overpricing sa langis. (Pher Pasion)

Halos taun-taon nakararanas ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ang mga mamamayan na lalong nagpapalugmok sa kanilang kalunus-lunos na kalagayan. Taun-taon ding nakaka-isip ng paliwanag ang mga kompanya ng langis at maging ang pamahalaan ng dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sa taong 2012, nanatili man sa mga balita ang pagtaas ng presyo ng petrolyo subalit hindi ang pagbibigay-diin sa taktikang overpricing na nagagawa ng mga kartel sa langis na may kontrol sa presyo nito dahil sa deregulasyon.

Sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang militanteng grupo, dinala sa kalsada ng mga mamamayan ang isyu ng overpricing sa langis, laluna tuwing may pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Isa pang protest caravan ang isinagawa sa pangunguna ng Piston at KMU, pero marami pa sa midya ang muling nagbansag na bigong transport strike daw ito.May iba’t ibang inisyatiba rin ang iba’t ibang grupo, tulad ng Alta-presyon (Alerto sa Taas Presyo Network) ng Gabriela at muling pagtipon ng Coalition Against Oil Price Increases (Caopi).

Para sa kanila, maraming puwedeng gawin ang administrasyong Aquino hinggil sa isyu. Kasama na rito ang imbestigasyon sa mga kompanya ng langis (na di-seryosong ginawa, kahit nagbuo ni Aquino ng isang review committee), pagrepaso sa Oil Deregulation Law at pagbalik ng regulasyon sa industriya ng langis, pagsuspinde o pagbasura sa Value Added Tax sa langis, at iba pa.

Pandaigdigang pagtitipon ng mga migrante para husgahan ang labor-export policy

Isang testigo sa International Migrants' Tribunal. (Ilang-Ilang Quijano)

Isang testigo sa International Migrants’ Tribunal (Pher Pasion)

Isinagawa ang paglilitis sa Global Forum on Migration and Development nito lamang Disyembre, ngunit hindi ito kinagat ng mainstream media.  Kahit isa sa pinakamalaking bahagi ng ekonomiya ng bansa ang remitans ng mga Overseas Filipino Worker, at nagpapatuloy na polisiya ng gobyerno ang pag-eksport sa lakas-paggawa ng mga Pilipino, tila hindi pinahalagahan ang isang pagtitipon na magsisiwalat sa mga epekto at implikasyon ng polisiyang ito.

Binigyan ng boses at dignidad ng International Migrants’ Tribunal ang mga tinaguriang “bagong bayani” at mga migrante ng daigdig. Binigyang pokus sa tribunal  ang iba’t ibang kaso sa daigdig ng paghihirap at pagsasamantala sa kanila. Magkasamang hinatulan ang sending countries (o nagpapadala ng mga migrante) at host countries (nag-eempleyo ng mga migrante) — na kapwa sangkot sa pagpapahirap sa mga migrante. Kasama siyempre ang lokal na mga kaso ng pang-aabuso, pagmamalupit at paglabag sa karapatang pantao ng mga migranteng Pilipino, tulad ng kaso ni Terril Atienza na misteryong namatay sa Mongolia, at ni Danilo Bañez at naistranded matapos ang kanyang kontrata sa Saudi.

Kasama na rin na hindi nalaman ng publiko ang hatol na “guilty” ng tribunal sa 37 bansang patuloy na nambubusabos ng lakas-paggawa ng mga mamamayan ng daigdig.

Gawa-gawang kaso sa mga aktibista

Paghiling sa pagpapalaya sa mga aktibistang ilegal na inaresto sa Cagayan. (Kontribusyon)

Paghiling sa pagpapalaya sa mga aktibistang ilegal na inaresto sa Cagayan. (Kontribusyon)

Patapos na ang taon noong huling bahagi ng Disyembre, pero tila may inihabol na pagmamalupit sa mga aktibista ang administrasyon.

Panahong ito, sunud-sunod ang isinagawang pagdakip sa mga lider-aktibista tulad nina Randy Vegas at Raul Camposano, mga miyembro ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa kasagsagan ng kampanya ng mga kawani ng MMDA noong Disyembre. Bago naman mag-bagong taon nadakip si Rene Abiva, 23-anyos, isang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at isang organisador ng ACT Teachers Party-list. (Bahagi ng bigwas sa mga aktibista sa Cagayan ang pag-aresto rin kamakailan kay Virgilio Corpuz ng Piston.)

Maliban sa kanila, nariyan din ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga lider-obrero at militante tulad nina Roy Velez at Amelita Gamara ng KMU-NCR, Hermenegildo Marasigan ng KMU-Southern Tagalog at Ronald Ian Evidente ng Negros.  Lahat sila — mga lider-obrero na lantad-na-lantad ang mga kilos bilang pampublikong mga personahe — ay pilit na binibintangang mga rebelde.

Kahit ang mga sibilyan, napaparatangang mga rebelde o lider-NPA. Ang security guard na si Rolly Panesa, tinortyur at pinaaaming isa siyang lider-rebelde sa Southern Tagalog. Si Oligario Sebas naman ay pinaratangang lider ng NPA sa Negros Oriental. Pangkaraniwang gawain na ito ng militar sa mga sibilyan — ang piliting sumuporta ang mga sibilyan sa gobyerno kasi kung hindi, rebelde sila.

Honorable Mentions: Ang kaso ng Saudi 200++ (kasama rito si Danilo Banez); Mga migranteng apektado ng giyera sa Syria; Posisyon ng mga progresibo sa impeachment ni Renato Corona; at Posisyon ng mga progresibo sa Reproductive Health Bill na “no to population control”

Tinipon nina KR Guda, Ilang-Ilang Quijano, Pher Pasion, Darius Galang at Soliman A. Santos

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22341

Posted by on Jan 9 2013. Filed under Editor's Picks, Features, Pambansang Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes